Kinatagpo nitong Linggo, Nobyembre 17, ni Prayut Chan-ocha, Punong Ministro at Ministrong Pandepensa ng Thailand si Wei Fenghe, Kasangguni ng Estado at Ministrong Pandepensa ng Tsina. Ipinahayag ng dalawang bansa ang kahandaang ibayo pang pasulungin ang kooperasyong militar.

Ipinahayag ni Prayut ang kasiyahan sa natamong bunga ng pagpapalitan at pagtutulungang Sino-Thai sa iba't ibang larangan. Inulit niya ang buong-tatag na suporta ng Thailand sa patakarang Isang Tsina at kagustuhang patuloy na makilahok sa magkakasamang pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI) para sa komong kasaganaan. Umaasa aniya ang Thailand na sasamantalahin ang okasyon ng ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa sa taong 2020, para palakasin ang pagtutulungang pangkabuhaya't pangkalakalan, at ipagpatuloy ang magkasanib na pagsasanay, at multilateral na pagpapalitan at pagtutulungang panseguridad ng dalawang hukbo.
Ipinahayag naman ni Wei ang pasasalamat sa panig Thai sa pagkatig sa mga nukleong interes ng Tsina. Nakahanda aniya ang hukbong Tsino na pahigpitin ang pakikipagtulungan sa hukbong Thai para magkasamang mapangalagaan ang katatagan ng rehiyon.
Pagkatapos ng pagtatagpo, lumagda sina Prayut at Wei sa Memorandum of Understanding (MoU) hinggil sa Kooperasyong Pandepensa ng dalawang bansa.

Nauna rito, kinatagpo si Wei ni Prawit Wongsuwan, Pangalawang Punong Ministro ng Thailand, Nobyembre 15, makaraang dumating ng Bangkok para sa dalaw-pangkaibigan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio