Sa kabila ng paulit-ulit na mariing pagtutol ng pamahalaang Tsino, ipinasa kamakailan ng Kongreso ng Amerika ang Hong Kong Human Rights and Democracy Act of 2019. Ang aksyong ito, sa katunayan, ay pagsasagawa ng hegemonismo sa ngalan ng karapatang pantao, at pagsuporta sa karahasan sa ngalan ng demokrasya. Hindi lamang ito walang pasubaling pakikialam sa mga suliraning panloob ng Tsina, kundi grabeng pagyurak din sa pandaigdigang batas at pundamental na simulain ng relasyong pandaigdig.
Ang unilateral na aksyon ng Kongreso ng Amerika ay lubos na nagpapakita ng kunwaring pagkamatuwid, subalit masamang tangka ng ilang pulitikong Amerikano. Napakalinaw ng katotohanan: komprehensibong lumalala ang mga ilegal at marahas na aksyon sa Hong Kong, at buong pananabik na inaasahan ng mga taga-Hong Kong ang pagpigil sa karahasan at kaguluhan, at pagpapanumbalik ng kaayusan sa lalong madaling panahon. Binabaligtad ng ilang pulitikong Amerikano ang tama at mali, pikit-mata sila sa iba't ibang karahasan sa Hong Kong, at hayagang sumuporta sa mga radikal, sa ngalan ng umano'y karapatang pantao at demokrasya. Ang kanilang tunay na pakay ay paghadlang sa pag-unlad ng Tsina, sa halip na pagbibigay-biyaya sa mga taga-Hong Kong.
Ang anumang tangka upang lumikha ng kaguluhan sa Hong Kong, at sirain ang kasaganaan at katatagan ng Hong Kong ay buong tatag na tututulan at tinututulan ng 1.4 bilyong mamamayang Tsino na kinabibilangan ng mga kababayan sa Hong Kong. Ito'y tinututulan din ng lahat ng mga mamamayang may damdamin ng katarungan sa buong mundo.
Hindi rapat maliitin ng sinuman ang determinasyon ng Tsina sa pangangalaga sa soberanya, seguridad at kapakanang pangkaunlaran ng bansa, pagpapatupad ng prinsipyong "Isang Bansa, Dalawang Sistema," at pagtutol sa pakikialam ng anumang puwersang panlabas sa mga suliranin ng Hong Kong. Kaugnay ng anumang aksyon ng panig Amerikano na makakapinsala sa kapakanan ng Tsina, tiyak na isasagawa ng Tsina ang ganting hakbangin.
Salin: Vera