Sa paanyaya ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, mula ika-5 ng buwang ito hanggang ngayong araw, Linggo, ika-8 ng Disyembre 2019, dumalaw sa Pilipinas ang delegasyon ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), na pinamumunuan ni Wang Ning, pirmihang kagawad ng CPC Beijing Municipal Committee.
Nakipagtagpo ang delegasyon kay Ispiker Alan Peter Cayetano ng Mababang Kapulungan ng Pilipinas, at mga lider ng mga partido ng naghaharing koalisyon ng bansa. Isinalaysay ng delegasyon sa panig Pilipino ang kalagayan hinggil sa Ika-4 na Sesyong Plenaryo ng Ika-19 na Komite Sentral ng CPC.
Sa mga pagtatagpo, ipinahayag ni Wang Ning ang kahandaan ng panig Tsino, kasama ng panig Pilipino, na ipatupad ang mga narating na komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, palalimin ang pragmatikong kooperasyon, at ihatid ang mas maraming benepisyo sa mga mamamayang Tsino at Pilipino.
Sinabi rin ni Huang Xilian, bagong Embahador ng Tsina sa Pilipinas, na pareho ang mga tungkulin ng mga naghaharing partido sa Tsina at Pilipinas, at ito ay pagpapalakas ng kakayahan sa pamamahala ng mga suliraning pang-estado, at pagpapabuti ng paglilingkod sa mga mamamayan. Ang pagpapahigpit ng pagpapalitan ng dalawang panig ay makakatulong sa kani-kanilang pagsasabalikat ng naturang mga tungkulin, dagdag niya.
Ipinahayag naman ng panig Pilipino ang kahandaang palakasin, kasama ng panig Tsino, ang pagpapalitan at pag-aaral sa isa't isa, bilang garantiya sa pagpapanatili ng malusog at matatag na pag-unlad ng bilateral na relasyon.
Salin: Liu Kai