Inilabas ngayong araw, Martes, ika-10 ng Disyembre 2019, ng China Central Television (CCTV) ang komentaryong tumutukoy na ang pagkakaisa at katatagan ay pundasyon ng kasaganaan at kaunlaran ng Rehiyong Awtonomo ng Uygur ng Xinjiang ng Tsina.
Ayon sa komentaryo, ang Fighting Terrorism in Xinjiang at ang The Black Hand, dalawang video documentary sa wikang Ingles hinggil sa paglaban sa terorismo sa Xinjiang na isinahimpapawid nitong ilang araw na nakalipas ng China Global Television Network, ibinunyag ang mga video footage ng maraming madugong pag-atakeng ginawa ng mga terorista. Ipinakikita nitong malaki ang kapinsalaang dulot ng kaguluhan, samantala pinakamahalaga ang kaayusan.
Tinukoy ng komentaryo, na nitong ilang taong nakalipas, sa pamamagitan ng mga hakbangin ng pagpapasulong sa katatagang panlipunan at pagpapaunlad ng kabuhayan, nagiging mabuti, ligtas, at maligaya ang pamumuhay ng mga mamamayan sa Xinjiang, at tumatahak ang rehiyong ito sa landas tungo sa kasaganaan at kaunlaran. Pero anito, nagbubulag-bulagan ang ilang media at politikong kanluranin sa kalagayang ito sa Xinjiang, at higit pa, pinagtibay kamakailan ng Mababang Kapulungan ng Amerika ang tinatawag na "Uyghur Human Rights Policy Act of 2019." Ang mga ito ay naglalayong dungisan ang mga hakbangin laban sa terorismo at ekstrimismo sa Xinjiang, at gamitin ang isyu ng Xinjiang para sirain ang kasaganaan at katatagan sa Xinjiang, at hadlangan ang pag-unlad ng Tsina, anang komentaryo.
Salin: Liu Kai