|
||||||||
|
||
Sa pag-uusap sa telepuno nitong Biyernes ng gabi, Disyembre 20, 2019 nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Donald Trump ng Amerika, ipinahayag ni Trump na ang pagkakaroon ng Amerika at Tsina ng kasunduang pangkabuhayan at pangkalakalan sa unang yugto ay isang mabuting pangyayari para sa Amerika, Tsina, at buong daigdig. Nakahanda aniya ang panig Amerikano na panatilihin ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa panig Tsino para maisakatuparan ang kasunduang ito sa lalong madaling panahon.
Tinukoy naman ni Xi na sa kasalukuyang kalagayan ng napakasalimuot na situwasyong pandaigdig, ang pagkakaroon ng Tsina at Amerika ng nasabing kasunduan ay hindi lamang nakakabuti sa Tsina at Amerika, kundi nakakabuti pa sa kapayapaan at kasaganaan ng buong daigdig. Diin ni Xi, ang pagkakaroon ng Tsina at Amerika ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ay nakakapagbigay ng mahalagang ambag para sa matatag na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, at pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig.
Dagdag pa ni Xi, mahigpit na sinusubaybayan ng Tsina ang mga ginawang negatibong pananalita at aksyon ng panig Amerikano sa mga isyung gaya ng Taiwan, Hong Kong, Xinjiang, at Tibet. Aniya, ang kagawiang ito ay nanghihimasok sa mga suliraning panloob ng Tsina, nakakasira sa kapakanan ng panig Tsino, at hindi ito nakakatulong sa pagtitiwalaan at pagtutulungan ng dalawang panig.
Ipinahayag ni Trump ang pananalig na isagawa ng dalawang bansa ang mga hakbangin para maayos na hawakan ang pagkakaiba para maalwang sumulong ang relasyong Amerikano-Sino.
Bukod dito, nagpalitan ng kuro-kuro ang dalawang lider tungkol sa situwasyon ng Korean Peninsula. Ipinagdiinan ni Xi na dapat igiit ang paglutas sa isyung ito sa paraang pulitikal.
Salin: Li Feng
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |