52:35, ito ang bagong labanan sa pagitan ng Amerika at Iran.
Makaraang paslangin ng Amerika si General Qasem Soleimani ng Iran, sinabi ni General Gholamali Abuhamzeh, Komander ng Iranian Revolutionary Guard Corps na 35 target na Amerikano sa rehiyon, kasama ang Tel Aviv ay nasa saklaw ng pagsalakay ng kanyang hukbo. Bilang tugon, nagbabala naman ang panig Amerikano na kung sasalakayin ng Iran ang sinumang tauhan o anumang ari-ariang Amerikano, sasalakayin din nito ang 52 target na Iranyo.
Ipinakikita nitong muling lumalala ang salungatan sa pagitan ng Amerika at Iran. Matagal na ang komprontasyon ng dalawang bansa. Noong 1953, ibinagsak ng Amerika ang administrasyon ni Punong Ministro Mohammad Mosaddegh at inakyat sa poder si Haring Mohammad Reza Pahlavi. Noong 1979, bunga ng Iranian Revolution, bumaba sa poder ang nasabing haring Iranyo. Sapul noon, nasasadlak sa sagupaan ang Amerika't Iran, nitong ilang dekada.
Ang kasalukuyang kalagayan ng Gitnang Silangan ay nakatawag ng malawakang pansin ng komunidad ng daigdig. Maraming bansang kinabibilagnan ng Tsina, Pransya, Alemanya, Britanya at iba pa, kasama ni Pangkalahatang Kalihim António Guterres ng United Nations ang nagsipahayag ng kani-kanilang panawagan sa mga may kinalamang panig na magtimpi at lutasin ang sigalot sa pamamagitan ng diyalogo. Ang pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan ng Gitnang Silagnan ay makakabuti sa buong daigdig, diin nila.
Salin: Jade
Pulido: Rhio