Sinabi ngayong araw, Linggo, ika-12 ng Enero 2020, sa Beijing, ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang isyu ng Taiwan ay suliraning panloob ng Tsina. Ani Geng, kahit anumang pagbabago ang magaganap sa loob ng Taiwan, hindi magbabago ang katotohanang iisa lamang ang Tsina sa daigdig, at ang Taiwan ay bahagi ng Tsina. Hindi aniya magbabago ang paggigiit ng pamahalaang Tsino sa prinsipyong Isang Tsina, at pagtutol sa pagsasarili ng Taiwan, "dalawang Tsina," at "isang Tsina isang Taiwan." Hindi rin magbabago ang komong palagay ng komunidad ng daigdig sa paggigiit sa prinsipyong Isang Tsina, dagdag ni Geng.
Winika ito ni Geng, pagkaraang magwagi si Tsai Ing-wen, kandidato ng Democratic Progressive Party, sa katatapos na halalan para sa liderato ng Taiwan.
Sinabi rin ni Geng, na umaasa at nananalig ang Tsina, na patuloy na igigiit ng komunidad ng daigdig ang prinsipyong Isang Tsina, at uunawain at kakatigan ang pagtutol ng mga mamamayang Tsino sa mga separatistang aksyon sa pagsasarili ng Taiwan, at pagsisikap para isakatuparan ang reunipikasyon ng bansa.
Salin: Liu Kai