Bilang tugon sa pagbati ng ilang bansang gaya ng Amerika, Britanya, at Hapon, kay Tsai Ing-wen, kandidato ng Democratic Progressive Party na nagwagi sa katatapos na halalan para sa liderato ng Taiwan, sinabi kahapon, Linggo, ika-12 ng Enero 2020, sa Beijing, ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang halalan sa Taiwan ay suliraning lokal ng Tsina, at ang naturang mga aksyon ay labag sa prinsipyong Isang Tsina. Ipinahayag ng panig Tsino ang kawalang kasiyahan at pagtutol dito, at iniharap na ang representasyon sa mga kinauukulang bansa, dagdag ni Geng.
Ipinahayag ni Geng, na ang isyu ng Taiwan ay may kinalaman sa nukleong interes ng Tsina. Aniya, mariing tinututulan ng Tsina ang anumang porma ng opisyal na pakikipagpalagayan sa Taiwan ng mga bansang may relasyong diplomatiko sa Tsina. Ang prinsipyong Isang Tsina ay saligang norma sa relasyong pandaigdig, at komong palagay ng komunidad ng daigdig, dagdag niya.
Ipinahayag niya ang pag-asang tatalima ang mga bansa sa prinsipyong Isang Tsina, at hindi isasagawa ang anumang opisyal na relasyon o pakikipagpalagayan sa Taiwan. Umaasa rin aniya ang Tsina, na buong ingat at maayos na hahawakan ng mga bansa ang isyu ng Taiwan, at hindi ilalabas ang anumang maling signal sa puwersang naninindigan sa "pagsasarili ng Taiwan." Ito ay para katigan ang mapayapang pag-unlad ng relasyon ng magkabilang pampang ng Taiwan Straits, at pangalagaan ang pangkalahatang kalagayan ng kani-kanilang relasyon sa Tsina.
Salin: Liu Kai