Ayon sa National Health Commission ng Tsina, nitong Biyernes, Enero 31, 2020, 2,102 ang bagong naiulat na kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa buong bansa, at 268 ang karagdagang kaso na nasa kritikal na kondisyon. Samantala, 5,019 ang bagong pinaghihinalaang kaso, 46 ang bagong bilang ng mga namatay, at 72 ang naiulat na gumaling na.
Ayon pa rin sa datos, hanggang kahapon, 11,791 ang kabuuang bilang ng mga naitalang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa Tsina, at 259 ang binawian ng buhay. Samantala, 17,988 ang pinaghihinalaang kaso, at 243 katao ang gumaling na.
Samantala, sa panayam ng mamamahayag ng China Media Group Filipino Service, sa mga opisyal ng Konsulado ng Pilipinas sa Shanghai, Hong Kong at Pasuguan sa Beijing nitong Huwebes,walang mga Pinoy sa Chinese mainland ang nahawahan ng sakit na dulot ng bagong coronavirus. Isang Pinoy sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) ang inoobserbahan. Patuloy ang pagbibigay ng mga diplomatang Pilipino ng advisories sa komunidad. Bukas ang linya ng komunikasyon sa nasabing mga kunsulado at pasuguan upang agad na rumisponde sa mga Pilipinong mangangailangan ng tulong. Nanawagan din ang Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing na magparehistro ang mga Pilipinong nasa Tsina pang matukoy ang bilang at mapadali ang koordinasyon sa kanila.
Salin: Lito