Ipinagdiinan kamakilan ni Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Pangulo ng bansa, na ang mga kapitbahayan ay unang prente ng magkasamang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), at pinakamabisa rin ang mga ito para pigilan ang pagkalat ng epidemiya sa loob at labas ng bansa. Aniya, dapat lubos na patingkarin ang papel ng mga kapitbahayan sa buong bansa, para magsilbing matibay na sandigan sa pagpuksa ng epidemiya.
Pagkaganap ng epidemiya, lubos na pinahahalagahan ng pamahalaang sentral at lokal ang papel ng mga kapitbahayan. Sa pamamagitan ng iba't ibang paraan, pinalaganap ng maraming kapitbahayan ang mga kaalamang may kinalaman sa pagpigil sa epidemiya. itinala nila ang temperatura ng mga residente at mga taong pumapasok at lumalabas sa kapitbahayan, at nagkaloob ng mga detalyadong pangangasiwa at serbisyo sa mga ikinukuwarentenas na residente. Marami ring hakbangin ang isinasagawa ng mga kapitbahayan, upang igarantiya ang pundamental na pangangailangan sa pamumuhay ng mga mamamayan. Halimbawa, kusang-loob na tinulungan ng mga manggagawa ng kapitbahayan ang mga grupong may espesyal na pangangailangan, mga mahirap, at mga ikinukuwarentenas na tao sa pagbili at pagdedeliber ng mga materyal sa pamumuhay.
Ang kasalukuyang epidemiya ng COVID-19 ay isang pagsubok sa kakayahan ng mga trabahador ng mga kapitbahayan ng Tsina. Ito rin ay pagkakataon para sa pagpapalakas ng sistema ng pangangasiwa sa mga kapitbahayan ng bansa. Kung mataimtim na ipapatupad ng iba't ibang kapitbahayan ang mga desisyon at plano ng pamahalaang sentral, at walang humpay na patitibayin ang pagpigil at pagkontrol sa epidemiya, malilikha ang kondisyon para sa pagpuksa ng epidemiya sa lalong madaling panahon.
Salin: Vera