|
||||||||
|
||
Sinabi rito sa Beijing, Miyerkules, Marso 18, 2020 ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na kasabay ng puspusang pagpuksa sa epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa loob ng bansa, aktibong nakikilahok ang Tsina sa kooperasyong pandaigdig sa paglaban sa epidemiya, at nagbibigay-tulong sa abot ng makakaya, sa mga kaukulang bansa't organisasyong pandaigdig.
Ito aniya ay hindi lamang responsibilidad na pandaigdig ng Tsina, kundi makakabuti rin sa pagpapatibay ng natamong bunga ng pagpuksa sa epidemiya sa unang yugto.
Ayon sa salaysay ni Geng, ipinadala na ng pamahalaang Tsino ang materyal na medikal sa mga bansang gaya ng Pakistan, Laos, Thailand, Iran, Timog Korea, Hapon at Unyong Aprikano (AU).
Iniabuloy na rin aniya ng Tsina ang 10 milyong dolyares na donasyon sa World Health Organization (WHO).
Samantala, ipinatalastas na rin ang pagkakaloob ng tulong na materyal sa abot ng makakaya sa ilanpung bansang gaya ng Pilipinas, Kambodya, Italya, Pransya, Espanya, Greece, Serbia, Unyong Europeo (EU), Ehipto, Timog Aprika, Iraq, Ethopia, Kazakhstan, Belarus, Cuba, Chile at iba pa.
Bukod dito, aktibo ring nag-abuloy ang Tsina sa mga pamahalaang lokal, bahay-kalakal at organisasyong di-pampamahalaan ng mga kaukulang bansa.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |