|
||||||||
|
||
Sa G20 Extraordinary Virtual Leaders' Summit hinggil sa COVID-19 pandemic na ginanap nitong Huwebes, Marso 26, 2020, nanawagan si Pangulong Xi Jinping ng Tsina na sa kasalukuyan, kailangang-kailangan ng komunidad ng daigdig ang pagpapatibay ng kompiyansa, pagbubuklud-buklod, at komprehensibong pagpapalakas ng kooperasyong pandaigdig, para magkakasamang pagtagumpayan ang pakikibaka ng sangkatauhan laban sa malubhang nakahahawang sakit.
Sa masusing panahon ng paglaban ng buong mundo sa epidemiya ng COVID-19, sa kauna-unahang pagkakataon, nagsanggunian ang mga lider ng mga pangunahing ekonomiya ng daigdig at mga organong pandaigdig, sa pamamagitan ng video link. Malinaw ang layon nila: koordinahin ang mga patakaran at aksyon, pasulungin ang kooperasyong pandaigdig sa paglaban sa epidemiya, at patatagin ang kabuhayang pandaigdig.
Sa nasabing extraordinary summit, isinalaysay ni Xi ang mga karansan at natamong bunga ng Tsina sa pagpuksa sa epidemiya, at iniharap ang 4 na mungkahi at paninindigan ukol sa pagpapalakas ng kooperasyong pandaigdig sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya, at pagpapatatag ng kabuhayang pandaigdig.
Ang naturang 4 na mungkahi ay kinabibilangan ng: magkakasamang magpupunyagi ang buong mundo, para buong lakas na puksain ang COVID-19 pandemic; mabisang isasagawa ang magkakasanib na aksyong pandaigdig, para pigilan at kontrulin ang epidemiya; aktibong kakatigan ang pagpapatingkad ng mga organisasyong pandaigdig ng sarili nilang papel; at palalakasin ang pandaigdigang koordinasyon ng patakaran sa makro-ekonomiya.
Ang nasabing mga mungkahi ay nagpadala ng signal ng pagkakaisa, kooperasyon at koordinasyon, at nagsilbing isa pang hakbang ng Tsina sa pagpapasulong ng pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng sangkatauhan.
Ang COVID-19 pandemic ay nagbubunsod ng palubha nang palubhang epekto sa kabuhayan ng mga bansa ng G20 at buong daigdig. Nagbabala si Kristalina Georgieva, Presidente ng International Monetary Fund (IMF), na sasadlak sa negatibong paglago ang kabuhayang pandaigdig sa kasalukuyang taon, at magiging mas malubha kaysa panahon ng krisis na pinansyal noong 2008 ang digri ng resesyon.
Kaugnay nito, nanawagan sa pulong si Pangulong Xi sa iba't ibang bansa na isagawa ang magkakasanib na hakbangin, para bawasan ang taripa, alisin ang mga hadlang, at paginhawahin ang kalakalan. Dapat din aniyang magkakasamang pangalagaan ang katatagan ng global industry chain at supply chain, at pigilan ang resesyon ng kabuhayang pandaigdig.
Diin ni Xi, buong tatag na palalawakin ng Tsina ang reporma't pagbubukas, paluluwagin ang market access, tuluy-tuloy na pabubutihin ang kapaligirang pang-negosyo, at aktibong palalawakin ang pag-aangkat at pamumuhunang panlabas. Ito aniya ay hindi lamang pangakong ginawa ng Tsina para sa pagpapatatag ng kabuhayang pandaigdig, kundi pananagutan din ng isang responsableng bansa.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |