|
||||||||
|
||
Pinuna kamakailan ni Ben Rhodes, dating United States Deputy National Security Advisor, ang kagawian ng ilang politikong Amerikano na tulad ni Kalihim ng Estado Mike Pompeo na dumudungis sa reputasyon ng Tsina. Tinukoy niyang "walang anumang bansa sa daigdig ang tumatawag sa corona virus na "China virus" o "Wuhan virus." Aniya, ito ay hindi mainam na heopolitikal na estratehiya.
Bilang isang "tagapagtaguyod" ng kasalukuyang pamahalaang Amerikano na kumukontra laban sa Tsina, dinudungisan at inaatake ni Pompeo ang Tsina, sa iba't-ibang okasyon sa loob at labas ng Amerika. Nilikha at pinalaganap din niya ang "Conspiracy Theory," at ikinagugulat ng daigdig ang kanyang pananalitang punung-puno ng mentalidad ng Cold War at baluktot na ideolohiya. Ito ay nagdudulot ng malubhang hadlang sa kasalukuyang pandaigdigang kooperasyon sa pakikibaka laban sa COVID-19.
Samantala, sinimulan kamakailan ng mga lider Amerikano ang paglahok sa pandaigdigang kooperasyon sa mas pro-aktibong atityud. Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sinabi ni Pangulong Donald Trump ng Amerika na makikilahok siya mismo sa mga kaukulang isyu para maigarantiya ang pagtanggal ng dalawang bansa sa mga negatibong isyu at isagawa ang kooperasyon sa paglaban sa epidemiya. Ngunit, hindi tumutugma ang mga pananalita at ginagawa ni Pompeo sa tunguhing ito, at sinasadya pa niyang hadlangan ang ganitong kooperasyon ng dalawang bansa.
Tinukoy ng maraming iskolar sa isyung pandaigdig na layon ng pagpapakitang "katigasan" ni Pompeo na tugunan at bigyang-kasiyahan ang pangangailangan ng ilang espesyal na grupo sa Amerika, kamtin ang pinakamalaking personal na benepisyo sa kompetisyon sa pagitan ng mga puwersang pulitikal, kolektahin ang mas maraming politikal na kapital, at isakatuparan ang kanyang politikal na ambisyong upang makaakyat sa puwesto bilang pangulo ng Amerika.
Sinabi ng mga tagamasid na dinala ni Pompeo sa arenang diplomatiko ang mga panlalansi na kanyang ginamit habang nasa Central Intelligence Agency na tulad ng "pagsisinungaling, panglilinlang, at pagnanakaw," bagay na nakakapagpalala sa kasalukuyang situwasyon ng Amerika, at nagdudulot ng mas malaking kahirapan sa pakikibaka ng Amerika laban sa epidemiya. Bilang isang diplomatang Amerikano sa pinakamataas na lebel, ang mga ginagawa ni Pompeo ay para sa kanyang sariling interes lamang at nagbabawela sa kalusugan at buhay ng kanyang mga kababayan.
Ayon sa magasing "Foreign Policy" ng Amerika, dahil sa lubos na pangangailangan sa iba't-ibang uri ng medikal na materiyal, inatas ng Kagawaran ng Estado ng Amerika sa mga high-level diplomat na ipataw ang presyur sa ilang dayuhang pamahalaan at kompanya at hilingin sa kanila na dagdagan ang kanilang produksyon at iluwas ang mga kagamitang medikal sa Amerika.
Ang mga ibinibigay na tulong ng komunidad ng daigdig sa Amerika ay batay sa makataong diwa at pagkabahala at simpasya sa kaligtasan ng buhay ng mga mamamayang Amerikano, at hinding hindi ito yumuyukod sa pagbabanta at pagpigil ng ilang politiko.
Salin: Lito
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |