Kaugnay ng pagpapadala ng pamahalaang Tsino ng grupo ng mga dalubhasang medikal sa paglaban sa epidemiya sa Pilipinas, ipinahayag nitong Martes, Abril 7, 2020 ni Zhao Lijian, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang pananalig na ang nasabing grupo ay makakatulong sa pagpapataas ng panig Pilipino ng kakayahan sa pagpigil at pagkontrol sa epidemiya at panggagamot, at makakapagpasigla ng kompiyansa sa pagpuksa ng epidemiya.
Ani Zhao, may salawikain sa Pilipinas na nagsasabing "Matibay ang walis, palibhasa'y magkabigkis." Sa pinakamahirap na panahon ng Tsina sa paglaban sa epidemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), ibinigay ng pamahalaan at iba't ibang sirkulo ng lipunan ng Pilipinas ang walang katumbas na suporta at tulong sa panig Tsino. Lubos na pinag-uukulan aniya ng panig Tsino ng pansin ang kalagayan ng epidemiya sa loob ng Pilipinas, at pinahahalagahan ang kalusugan ng mga mamamayang Pilipino.
Saad ni Zhao, ipinagkaloob ng Tsina sa panig Pilipino ang materyal na medikal sa paglaban sa epidemiya, at itinaguyod ang virtual meeting ng mga dalubhasang medikal ng kapuwa panig.
Nakahanda ang panig Tsino na ibahagi sa panig Pilipino ang mga impormasyon at karanasan sa pagpuksa sa epidemiya, at ipagkaloob hangga't makakaya ang suporta't tulong, batay sa pangangailangan ng panig Pilipino, dagdag niya.
Salin: Vera