Nagpulong nitong Huwebes, Mayo 14, 2020 ang Pirmihang Lupon ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) para suriin ang kalagayan ng pagpigil at pagkontrol sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa loob at labas ng bansa, pag-aralan at isaayos ang regular na reaksyon sa epidemiya, at mapataas ang katatagan at kakayahang kompetitibo ng industrial at supply chains. Nangulo at bumigkas ng talumpati sa pulong si Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng CPC.
Tinukoy ni Xi na bagama't bumubuti ang pangkalahatang kalagayan ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya sa buong bansa, nananatili pa ring mahigpit at masalimuot ang kalagayang epidemiko sa labas ng bansa. Aniya, nananatiling mabigat at mahirap ang tungkulin ng bansa sa pag-iwas ng muling pagkalat ng epidemiya.
Ipinagdiinan ni Pangulong Xi na dapat patuloy na pahigpitin at pabutihin ang mga hakbangin ng pagpigil at pagkontrol sa epidemiya para protektahan ang mga natamong bunga sa usaping ito at maigarantiya ang pagsasakatuparan ng hangarin ng pagpawi ng karalitaan at komprehensibong pagtatatag ng may kaginhawang lipunan.
Idinagdag pa ni Xi na sa paunang kondisyon ng regular na pagkontrol sa epidemiya, dapat mabilis na pasulungin ang pagpapanumbalik ng iba't-ibang uri ng pamilihan, merkado, at industriya ng serbisyo, at gawing maalwan ang sirkulasyon ng mga industriya, merkado, kabuhayan at lipunan. Bukod dito, dapat palakasin ang pandaigdigang pagkokoordinahan at pagtutulungan para magkakasamang mapangalagaan ang kaligtasan at katatagan ng international supply chains.
Salin: Lito