|
||||||||
|
||
Sa isang artikulong inilabas kamakailan, malalimang inanalisa ni Zheng Yongnian, Propesor ng East Asian Institute ng National University of Singapore, ang magkakaibang kilos ng mga pangunahing bansang kanluranin at silanganin sa paglaban sa epidemiya. Tinukoy niyang ang pananaig ng pulitika sa siyensiya ay pangunahing sanhi ng pagkabigo ng Amerika sa pagharap sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Tulad ng sabi ni Propesor Zheng, ang karamihan ng mga kuwento ng paglaban sa epidemiya ng Amerika ay may kinalaman sa kapangyarihang administratibo. Paulit-ulit na nagbubulag-bulagan ang mga pulitikong Amerikano sa paalala ng intelligence agency ng sarilling bansa, mga opisyal ng kalusugang pampubliko, World Health Organization (WHO), Tsina at maraming ibang panig, bagay na humantong sa pagsiklab at pagiging di-kontrolado ng epidemiya.
Sa antas ng relasyong pandaigdig, upang ikubli ang sariling dispalinghadong hakbangin sa pagharap sa pandemiya, sa kabila ng komong palagay ng pandaigdigang sirkulong siyentipiko sa pananaliksik sa pinag-ugatan ng virus, buong tikis na isinapulitika ng liderato ng Amerika ang kalagayan ng pandemiya, at niluto ang kasinungalingang "ang virus ay nagmula sa laboratoryo ng Tsina." Bukod dito, hayagang humadlang sila sa normal na proyekto ng siyentipikong pananaliksik ng Tsina at Amerika.
Noong nagdaang buwan, itinigil ng National Institutes of Health ng Amerika ang magkasanib na pananaliksik sa bat-to-human virus transmission sa pagitan ng non-profit agency na EcoHealth Alliance at Wuhan Institute of Virology at itinigil din ang pagbibigay ng pondo sa hinaharap.
Ipinalalagay nina Gerald Keusch, Pangalawang Puno ng National Emerging Infectious Diseases Laboratory ng Boston University, at Dennis Carroll, namamahalang tauhan ng Global Virome Project, na ang hakbang na ito ay isang "di magandang halimbawa." Anila, nakakapinsala ang pamahalaang Amerikano sa magastos na siyentipikong pananaliksik, para lamang sa murang kapakanang pulitikal.
Palagay ni Propesor Zheng Yongnian, kung mananaig ang pulitika sa siyensiya, magiging mahirap hanapin ang pinakamabisang paraan upang iligtas ang buhay ng mga mamamayan.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |