Ang kasalukuyang taon ay taon ng pagsasakatuparan ng pagpawi sa karalitaan at komprehensibong pagtatatag ng may-kaginhawahang lipunan ng Tsina. Sinabi nitong Lunes, Mayo 18, 2020 sa Beijing ni Liu Yongfu, Direktor ng State Council Leading Group Office of Poverty Alleviation and Development ng Tsina, na kahit ang Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) pandemic ay nagdulot ng bagong hamon at kahirapan sa pagpawi ng karalitaan, unti-unting napapanaigan ang epekto ng pandemiya, at hindi nito mababago ang pangkalahatang kalagayan ng pagpawi ng karalitaan ng Tsina.
Saad ni Liu, hindi magbabago ang target at tungkulin ng pagpawi ng karalitaan, at hindi rin magbabago ang umiiral na pamantayan sa pagbibigay-tulong sa mahihirap.
Ayon sa salaysay, sa kasalukuyan, ang mga mahihirap na manggagawa na lumalabas sa nayon para sa paghahanap-buhay ay katumbas ng 95.4% ng kabuuang bilang noong nagdaang taon.
May 290 milyong rural laborers ngayon sa Tsina. Sa kasalukuyan, 26 milyong mahihirap na manggagawa ang lumabas na sa nayon para sa paghahanap-buhay, at mahigit 2 milyong iba pa ang nagnanais na lumabas. Balak ng Tsina na tulungan silang maghanap-buhay sa labas.
Salin: Vera