Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Epektibong antibody laban sa SARS-CoV-2, nadiskubre: isa pang bakunang Tsino pasok sa phase 3 human clinical trial sa Brazil

(GMT+08:00) 2020-07-14 16:34:22       CRI

Beijing – Sa pamamagitan ng pag-analisa sa 294 na bagong-tuklas na antibody laban sa SARS-CoV-2, virus na nagsasanhi ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), nadiskubre ng mga siyentipiko ang isang gene, IGHV3-53 na epektibong pampuksa sa nasabing virus.

Ito ang inilathla ng magasing "Science," Lunes, Hulyo 13, 2020.

Dahil sa pagkalat ng COVID-19 sa buong mundo, ibat-ibang bakuna ang pumasok na ngayon sa human clinical trial, at ilan dito ay sariling gawa ng Tsina.

Sa kabila nito, ang mga molekyular na katangiang kailangan para sa paggawa ng pinaka-epektibong antibody response ay hindi pa rin maliwanag.

Pero, dahil sa naturang pag-aaral, sinabi ng Science na ang resulta ay malaking kontribusyon sa patuloy na lumalagong estruktural na kaalaman para sa matagumpay na pagdedebelop ng bakuna laban sa SARS-CoV-2.

Ang mga patusok na protina ng SARS-CoV-2 ay gumagamit ng tinatawag na Receptor Binding Domain (RBD) para mapasok ang receptor na tinatawag na ACE2 sa selula ng tao.

Kaya naman, ang mga antibody na kayang sumira sa gawain ng RBD at harangan ang pagpasok nito sa ACE2 ay sinasaliksik ng mga siyentipiko.

Kaugnay nito, pinag-aralan ng grupo ng Scripps Research Institute, sa ilalim ng pamumuno ni Yuan Meng ang naturang 294 na antibody na pumupuksa sa RBD ng SARS-CoV-2.

Sa pag-aaral, nadiskubre nila ang mainam na epekto ng IGHV3-53 sa pag-target sa RBD ng SARS-CoV-2.

Ang naturang gene ay nasa pamilya ng Immunoglobulin Heavy Chain Variable (IGHV).

Ayon sa mga mananaliksik, ang IGHV3-53 ay hindi lamang may mababang ritmo ng mutation, ito rin ay mabisang pampuksa sa virus.

Sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga kristal na estruktura ng dalawang IGHV3-53 na idinikit sa RBD ng SARS-CoV-2, natuklasan ng mga siyentipiko ang mga katangiang kailangan para sa pagdedebelop ng bakuna.

"Dahil ang IGHV3-53 ay kadalang matatagpuan sa katawan ng mga malusog na tao, karaniwang maipapalabas ang partikular na antibody response sa pamamagitan ng pag-iniksyon ng bakuna," ayon sa mga siyentipiko.

Kasabay ng pagkatuklas ng IGHV3-53, ipinahayag sa Beijing, Lunes, Hulyo 13, 2020 ng Sinovac Life Sciences Co., na inaprubahan, Hulyo 10, 2020 ng Anvisa, National Regulatory Agency ng Brazil ang pagsasagawa ng phase 3 human clinical trial sa bansa ng bakunang idinidebelop nito kasama ang Instituto Butantan, tagapagprodyus ng mga produktong imyunobiyolohikal ng Brazil.

Anang Sinovac, layon ng nasabing pagsubok na magsagawa ng masinsinang pag-aaral tungo sa pagkakaroon ng lisensiyang pamproduksyon ng naturang bakuna.

Halos siyam na libong (9,000) healthcare professional ang kakailanganin para magtrabaho sa 12 clinical site ng COVID-19 na matatagpuan sa ibat-ibang estado ng Brazil.

Ayon sa Instituto Butantan, ang proseso ng gagawing pagsubok ay double-blind placebo-controlled, kung saan, ang mga boluntaryo ay sasadyaing bigyan ng 1:1 ratio ng placebo at tunay na bakuna.

Samantala, ang imunisasyon ay kabibilangan ng dalawang doses ng intramuscular na iniksiyon sa kalamnang deltoid, sa pagitan ng 14 na araw.

Muling susuriin ang mga boluntaryo matapos ang 12 buwan.

Samantala, matatandaang noong Hunyo 29, 2020 inaprubahan para sa phase 1 human clinical trial ang kauna-unahang mRNA na bakuna ng Tsina, sa Shulan Hospital, lunsod Hangzhou, lalawigang Zhejiang, gawing silangan ng Tsina.

Tinaguriang ARCoV, ang nasabing mRNA na bakuna ay ibinigay sa 23 boluntaryo, at may plano pang kumalap ng 168 iba pa.

Ang mga boluntaryo ay tatanggap ng 2 dose ng bakuna, at hindi na nila kailangang manatili sa ospital sa kahabaan ng pagsubok.

Ang ARCoV ay magkasamang idinidebelop People's Liberation Army (PLA) Academy of Military Sciences, Suzhou Abogen Biosciences at Walvax Biotechnology Co., Ltd.

Sa kabilang dako, sinimulan, Hunyo 23, 2020 sa United Arab Emirates (UAE) ang phase 3 human clinical trial ng inactivated na uri ng bakuna ng Tsina kontra COVID-19.

Ito ang kauna-unahang inactivated na uri ng bakuna sa mundo na pumasok sa phase 3 human clinical trials, at una ring overseas clinical trial para sa bakunang idinebelop ng Tsina.

Ayon sa pahayag nang araw ring iyon ng China National Pharmaceutical Group, o mas kilala bilang Sinopharm, tagapagdebelop ng nasabing bakuna, inaprubahan ni Abdul Rahman Mohammed Al Oweis, Ministro ng Kalusugan ng UAE ang mga kinakailangang dokumento para sa phase 3 human clinical trial.

Kaugnay nito, inanunsiyo, Hunyo 16, 2020 ng Wuhan Institute of Biological Products, kompanyang kasama ng Sinopharm, na walang grabeng side effect ang inactivated na bakuna sa unang dalawang phase ng human clinical trial, at ito ang unang bakuna sa buong mundo na may pinakamainam na immunogenicity at kaligtasan.

Bukod dito, itinayo ng Sinopharm ang isang high-level biosafety laboratory para sa produksyon ng nasabing inactivated na uri ng bakuna, sakaling ito ay kailanganin para sa pangkagipitang situwasyon.

Ipinahayag Abril 15, 2020 ng Beijing Institute of Biological Products ng Sinopharm na mayroon itong kapasidad na magprodyus ng 120 million doses ng bakuna kada taon, samantalang ang instituto naman ng Sinopharm sa Wuhan ay kayang gumawa ng 100 milyong doses kada taon.

Sources:

https://medicalxpress.com/news/2020-07-scientists-key-element-strong-antibody.html

https://www.eurekalert.org/pub_releases/2020-07/aaft-sn3071320.php

http://www.xinhuanet.com/english/2020-07/14/c_139210265.htm

http://www.globaltimes.cn/content/1193712.shtml

https://filipino.cri.cn/301/2020/07/02/102s168233.htm

Ulat: Rhio Zablan

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>