Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Pahayag ni Duterte sa kanyang SONA: Buhay muna bago ang lahat; nakipag-usap kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina hinggil sa bakuna

(GMT+08:00) 2020-07-28 16:21:11       CRI

Beijing - Sa bungad pa lamang ng kanyang Ikalimang State of the Nation Address (SONA) kahapon, Hulyo 27, 2020 sa Batasang Pambansa, sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na "nang tumama ang pandemiya, napagdesisyunan kong bigyang-halaga ang buhay kaysa sa iba pang bagay."

"Buhay muna, bago ang lahat," anang pangulo, mga salitang umani ng dumadagundong na palakpakan mula sa mga mambabatas, dayuhang dignataryo, opisyal ng pamahalaan, media at iba pang personalidad na kapuwa nasa bulwagan ng Batasang Pambansa at online na plataporma.

Ani Duterte, "Tayo ngayon ay nabubuhay sa panahong puno ng hamon, at ang ating pangarap sa pagkakaroon ng masagang bansa ay biglang naudlot ng pandemiyang napakabilis makahawa."

Walang bansa ang ligtas sa Sars-Cov-2 [virus na nagsasanhi ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19)], at lahat ay apektado ng nakamamatay na sakit na dulot nito - mayaman man o mahirap, pahayag pa ng pangulo.

Pero aniya, sa lalong madaling panahon, ang virus na lumamon sa libu-libong buhay ay maihihimlay na sa wakas, dahil malapit nang mailabas ang bakunang pupuksa rito.

Ang mga katagang ito ni Duterte sa unang bahagi ng kanyang ikalimang SONA ay isang malakas na indikasyong nilalatagan niya ng mataas na pagpapahalaga ang kalusugan at kaligtasan ng bawat mamamayang Pilipino.

Kung paano at saan kukunin ang bakuna, sinabi ni Duterte na "Ito ay isang pandaigdigang pangangailangan at lahat ay gustong makuha ito. Pero, mga 4 na araw na ang nakaraan, pinaki-usapan ko si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na kapag mayroon nang bakuna, kung maaari ay isa tayo sa mga unang mabibigyan."

Kaugnay nito, sa kanyang roundtable interview kamakailan sa pahayagang Manila Times, isinaad ni Huang Xilian, Embahador ng Tsina sa Pilipinas na nagbalitaktakan sa telepono, Hunyo 11, 2020 sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte, sa bisperas ng ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa.

Sa nasabing pag-uusap, siniguro ni Pangulong Xi kay Pangulong Duterte, na priyoridad ang Pilipinas sa sandaling maisapinal ng Tsina ang bakuna, at ito ay magiging isang "pandaigdigang kabutihang pampubliko" para matiyak na ang mga umuunlad na bansa ay magkakaroon ng akses sa bakuna sa abot-kayang presyo.

"Natutuwa akong makita na inaprubahan ng pamahalaang Pilipino ang pagsasagawa sa Pilipinas ng mga clinical trial ng ilang kandidatong bakuna ng Tsina. Umaasa akong mapapalakas pa ng dalawang panig ang mga may-kinalamang kooperasyon upang maagang mabenepisyuhan ng bakuna ang mga Pilipino," saad pa ng embahador Tsino.

Kamakailan ay sinimulan ng dalawang kompanyang Tsino, na China National Biotech Group Co. Ltd. (CNBG) at Sinovac Biotech Ltd., ang kanilang phase 3 human clinical trial para sa kani-kanilang potensyal na bakuna.

Ang inactivated vaccine ng CNBG ay kasalukuyan sinusubok sa United Arab Emirates (UAE), at ito ang kauna-unahang bakunang nakarating sa huling estado ng malawakang pagsubok sa tao.

Sa kagayang situwasyon, sa Brazil naman sinusubok ng Sinovac Biotech Ltd. ang kandidato nilang bakuna.

Hinggil dito, sa kanyang press briefing kamakailan sa Malacanang, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, na dahil sa mga matatag at desididong hakbang na isinagawa ng administrasyong Duterte naiwasan ang pagkahawa ng mga nasa 1.3 to 3.5 milyong tao.

Sinabi ni Duterte, na nagkaroon ng mga kahirapan sa pagkuha ng mga kagamitan sa pagsusuri noong unang dako ng pandemiya sa Pilipinas, pero ngayon ay mayroon nang 93 accredited testing laboratories sa buong bansa at nais niyang masuri ang 1.4 milyong indibiduwal sa katapusan ng Hulyo.

Samantala, sa ilalim ng Social Amelioration Program, sinabi ni Duterte na inilaan ng gobyerno ang PhP205 bilyon para sa mahihirap at may mababang kitang pamilya na apektado ng pandemiya.

Sa kabilang banda, inamin ni Duterte na hindi perpekto ang implementasyon ng Social Amelioration Program at ilang mga oportunista ang nakalusot, at ginamit ang pandemiya para sa kanilang personal na interes.

Anang pangulo sa kanila, "mahahabol namin kayo sa mas madaling panahon, na taliwas sa inyong inaasahan."

Dahil dito, ipinahayag ni Duterte na nagkaroon ng pag-aakma sa COVID-19 Program at pinalawak ang financial assistance sa mahigit 650,000 na apektadong indibiduwal sa pormal na sektor, 110, 000 overseas foreign worker (OFW) na nasa ibang bansa, at halos 83,000 na repatriated OFW.

Bukod dito, mayroon ding pansamantalang wage employment opportunities para sa mga displaced marginalized worker sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced (TUPAD) Project, at ang mahihirap na matatanda ay binigyan din ng ayuda sa unang semestre ng taong ito.

Lahat ito, ani Duterte ay nakapagpaunat sa yaman ng pamahalaan sa sukdulang limitasyon, kaya naman nakikipagtulungan ngayon ang Tanggapan ng Pangulo sa Kongreso upang mabilis na maipasa ang Bayanihan to Heal as One Act [RA 11469] upang mas mabigyan ng suplementong pondo ang responde laban sa negatibong epekto ng COVID-19 pandemic.

Ulat: Rhio Zablan

Photo Source: PCOO

May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>