|
||||||||
|
||
Ngayong araw, Miyerkules, Agosto 26, 2020 ay ang Ika-40 Anibersaryo ng Shenzhen Special Economic Zone (isang eksperimental na sona sa reporma at pagbubukas sa labas), sa lalawigang Guangdong, dakong timogsilangan ng Tsina.
Para rito, nais kong ihandog sa inyo ang isang artikulong naglalahad ng mga katangi-tanging bentahe at pangyayaring nagbigay ng nag-ambag sa pag-unlad ng nasabing lunsod.
Inobasyon at diwa ng pagnenegosyo, sikreto ng tagumpay
Sa panayam sa China Global Television Network-China Media Group (CGTN-CMG) kay Zhou Luming, dating puno ng Shenzhen Science & Technology Association, at Pangulo ng Shenzhen Radical Innovator, isang incubator company para sa mga kompanyang nasa sektor ng IT security, e-commerce at digital health, sinabi niyang ang diwa ng pagnenegosyo ang inspirasyon ng pambihirang pag-unlad ng Shenzhen.
Aniya, dahil sa mga proseso at elementong institusyonal ng lunsod na nagsusulong ng inobasyon, malaking pag-angat ang nakamtan, at ito ang sikreto ng tagumpay ng Shenzhen.
Paliwanag pa niya, ang mga pagbabago sa global innovation chain ay nagdala ng dambuhalang oportunidad para sa mga kompanyang start-up ng Tsina para makapasok sa mga bagong industriya.
Kaugnay nito, ang Shenzhen aniya ay may kumpletong production chain, kaya naman naniniwala siyang may mahalagang papel ang lunsod bilang tagapaglikha at hindi tagakopya o tagasunod lamang.
Samantala, sinabi naman ni Bill Liu, Chief Executive Officer (CEO) ng Royole Corporation, isang start-up na kompanya, taglay ng siyudad ang pleksibleng katangian at pamamaraan, at ito ay may bukas ding atityud sa mga bagong ideya ng inobasyon kumpara sa ibang lugar.
"Nang dumating ako sa siyudad noong 2010, agad kong nakita ang kakaibang katangian nito, at ang enerhiyang inilalabas ng lunsod ay akmang-akma para sa mga gustong magsimula ng negosyo. Kung mayroon kang inobatibong ideya, agad mo itong magagawa sa mga produkto," masayang saad ni Liu.
Si Chan Wai-kuen, na ngayon ay isa nang octogenarian ay isa sa mga unang taga-Hong Kong na naglagak ng puhunan sa lunsod, matapos itong bukasan sa daigdig.
Hinggil sa kanyang mga unang araw sa Shenzhen noong dekada 80, sinabi niyang "may kompiyansa ako sa kinabukasan ng lupaing ito, kahit na sadlak ito sa kahirapan noong panhong iyon."
Noong Hunyo 28, 1982, binuksan bilang isang "metal warehouse" ang unang proyekto ni Chan, ang Shekou Shopping Center.
Sa araw ng pagbubukas, bumuhos aniya ang napakaraming tao, at nakabenta siya ng 500 bentilador at 150 de-kolor na telebisyon.
Dagdag pa niya, dagliang naubos ang mga naka-stock na aytem at nabawi agad ang kanyang inilagak na puhunan.
Ang naturang "metal warehouse" ay lumago bilang isang 35-palapag na establisyemento sa parehong lokasyon noong1995.
Ang mga kuwentong ito ay ilan lamang sa libu-libong kuwento at patunay sa tagumpay na naabot ng siyudad nitong 40 taong nakalipas.
Pag-unlad base sa estadistika
Noong nakaraang taon, ang Gross Domestic Product (GDP) ng siyudad ay higit pa sa 2.6 trilyong yuan ($376.22 bilyon), at ito ay maaaring ikumpara sa GDP ng Singapore.
Sa kabilang banda, ang per capita GDP naman nito ay nasa $30,000, na katulad ng sa Pransya.
Ayon naman sa estadistikang inilabas, Agosto 25, 2020 ng Meituan Bike, isang nagungunang bike sharing company sa Tsina, ang mga residente ng Shenzhen ang pinakamaagang nagigising at sila rin ang pinakamaagang natutulog kumpara sa mga mamamayan ng ibang malalaking lunsod ng Tsina.
Dagdag pa nito, ipinagkaloob ng Shenzhen sa Tsina ang magagandang modelo kung paano epektibong kuhanin ang mga inbound investment at iba pang teknolohiya.
Halimbawa nito ay ang mga hitik sa mga joint-venture enterprises na industrial park at high-tech zone, na mabilis kumalat sa buong bansa, at nagbigay ng produktibong puwersa sa ekonomiya ng Tsina, matapos mapatunayan ang epektibidad sa Shenzhen.
Kaugnay nito, ang Qianhai Shenzhen-Hong Kong Modern Service Industry Cooperation Zone, sa distrito ng Shekou (lugar kung saan umusbong ang negosyo ni Chan) ay ang pinakabagong halimbawa ng tagumpay na ito, dahil dito makikita ang patuloy na lumalalim na kooperasyon sa pagitan ng Hong Kong at Shenzhen.
Ayon kay Tian Fu, opisyal ng sona, sa loob ng nakalipas na ilang dekada, 11,700 kompanya ng Hong Kong ang nagparehistro rito, at $20.3 bilyon ang inilagak nilang puhunan.
Sa ngayon, mahigit 100 Fortune Global 500 na korporasyon ang may operasyong pang-negosyo sa Shenzhen, at sa mga ito, 8 ang may punong himpilan sa lunsod.
Tulad ng sinabi ni Zhou Luming at Bill Liu, ang pamamalakad ng lunsod ay inobatibo at kasabay na umuunlad ng ekonomiya.
Hinggil dito, ikinukonsidera ng lokal na pamahalaan ng Shenzhen ang uri ng pamamahala nito bilang tagapagbigay ng serbisyo, sa halip na dominanteng puwersa sa ekonomiya.
Ayon kay Tao Yitao, Mataas na Tagapagsaliksik sa Special Economic Zones ng Shenzhen University, ang pangunahing kontribusyon ng Shenzhen sa Tsina ay ang pagbibigay ng market-oriented na reporma at pag-unlad.
Dahil sa pro-innovation business environment, matagumpay na umangat ang Shenzhen mula sa initial labor-and resource-intensive takeoff phase, tungo sa innovation-driven development stage.
Ito ay isang malaking pagbabago mula sa pagiging tagapag-angkat ng puhunan at kaalaman, tungo sa tagapagluwas ng mga ito.
Dahil sa papel ng lunsod ng Shenzhen bilang "tagapagkalinga ng pangarap," ang mga taga-lunsod ay nagkaroon ng matibay na paniniwala sa kinabukasan.
Ang kanilang lunsod ang mismong nagsisilbing inspirasyon upang gugulin ang kanilang oras upang maabot ang kanilang mga mithiin sa buhay.
Source:
http://www.chinadaily.com.cn/a/202008/26/WS5f459457a310675eafc55746.html
http://www.sz.gov.cn/en_szgov/news/latest/content/post_7819184.html
https://news.cgtn.com/news/2020-08-18/Live-What-opportunities-does-Shenzhen-City-bring-to-the-world--T31gVRIfMk/index.html
Ulat: Rhio Zablan
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |