Ayon sa ulat, ipinatalastas kamakailan ng University of North Texas ng Amerika ang pagputol sa kooperasyon sa China Scholarship Council (CSC). Hiniling nito sa mga visiting scholar ng Tsina na tumatanggap ng pondo ng CSC na umalis ng Amerika sa loob ng isang buwan.
Kaugnay nito, tinukoy nitong Martes, Setyembre 1, 2020 ni Tagapagsalita Hua Chunying ng Ministring Panlabas ng Tsina na kung totoo ang balitang ito, magsisilbi itong isa pang halimbawa ng sinasadyang pagsira ng Amerika sa people-to-people exchange sa Tsina.
Saad ni Hua, ang pagiging bukas, pagsasamasama at dibersidad ay batayan ng patatatag ng estado ng Amerika, pero iba na ngayon ang Amerika, at nakikita ang malawakang paglalayo, kapootan at pagbubukod.
Isinalaysay niyang nitong nakalipas na mahabang panahon, ang mga mag-aaral at visiting scholar ng Tsina ay gumawa ng mahalagang ambag para sa inobasyong pansiyensiya't panteknolohiya at pag-unlad ng kabuhayan ng Amerika. Ayon sa kaukulang datos ng Amerika, ang bilang ng mga mag-aaral na Tsino sa Amerika ay katumbas ng humigit-kumulang 1/3 ng kabuuang bilang ng mga estudyanteng dayuhan sa Amerika. Lampas sa 15 bilyong dolyares ang halaga ng ibinigay na ambag ng mga estudyanteng Tsino sa Amerika.
Salin: Vera