Kaugnay ng bintang kamakailan ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, na nakatuon sa mga aktibidad ng bapor-pangisda ng Tsina sa laot malapit sa Galapagos Islands, ipinahayag nitong Huwebes, Setyembre 10, 2020 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang bintang ni Pompeo ay nagbubulag-bulagan sa katotohanan, pagbaliktad sa tama at mali, at naglalayong manulsol ng ostilong damdamin sa mapagkaibigang relasyon ng Tsina at mga kaukulang bansa. Napakamasama ng ganitong tangka, aniya.
Tinukoy ni Zhao na ang karagatan sa timog silangang Pacific Ocean ay tradisyonal na pook-pangisda ng iba't ibang bansa. Bukod sa Tsina, marami ang nangingisda sa nasabing rehiyon.
Dagdag niya, bilang isang responsableng bansa sa pangingisda, laging pinahahalagahan ng Tsina ang pangangalaga sa kapaligiran at yamang pandagat, at isinasagawa ang mga pinakamahigpit na hakbangin sa pangangasiwa at pagkontrol sa pangingisda sa ibayong dagat.
Nitong nakalipas na ilang panahon, pinanatili ng Tsina at Ecuador ang mahigpit na pag-uugnayan sa kooperasyong pangisda, batay sa paggagalangan at mapagkaibigang pagsasanggunian. Kapuwa sinang-ayunan ng dalawang bansa na itatag ang mekanismo ng pag-uugnayan at liasyon, palakasin ang pagbabahagi ng mga impormasyon sa isa't isa, napapanahong pawiin ang maling pagkaunawa, pasulungin ang kooperasyong bilateral at multilateral, at magkasamang pangalagaan ang kaayusan ng produksyong pangisda at kapaligirang pandagat ng kaukulang rehiyong pandagat. Ang relasyong Sino-Ecuadorian ay hinding hindi hahadlangan at masisira ng sinumang ikatlong panig, dagdag ni Zhao.
Salin: Vera