Sa liham na ipinadala nitong Linggo, Setyembre 20, 2020 ni Zhang Jun, Pirmihang Kinatawang Tsino sa United Nations (UN), sa kasalukuyang Tagapangulo ng UN Security Council (UNSC) at Pangkalahatang Kalihim ng UN, inilahad niya ang posisyong Tsino hinggil sa hiling kamakailan ng Amerika na panumbalikin ng UNSC ang sangsyon laban sa Iran.
Tinukoy ni Zhang na noong Mayo ng 2018, tumalikod ang panig Amerikano sa komprehensibong kasunduan sa isyung nuklear ng Iran, kaya't hindi na ito kalahok sa naturang kasunduan.
Aniya, walang anumang batayang pambatas ang kahilingan ng panig Amerikano sa UNSC na pasimulan ang mekanismo hinggil sa "mabilis na pagpapanumbalik ng sangsyon."
Dagdag pa niya, noong Agosto ng kasalukuyang taon, nauna nang ipinagbigay-alam ng 13 kasaping bansa ng UNSC sa Tagapangulo ng UNSC, na ang mga kapasiyahan o aksyong nakabase sa naunang liham ng panig Amerikano, ay walang bisang pambatas at pulitikal.
Salin: Lito