Lunes, Oktubre 12, 2020 – nagpadala ng mensahe sa isat-isa sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Macky Sall ng Senegal bilang pagbati sa ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC).
Sa mensaheng pambati, ipinagdiinan nina Xi at Sall na kaugnay ng ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng FOCAC, bilang magkasanib na bansang tagapangulo ng FOCAC, nakahanda ang Tsina at Senegal na ipagdiwang kasama ng malawak na masa ng mga bansang Aprikano, ang nasabing okasyong may mahalaga at espesyal na katuturan.
Tinukoy ng dalawang lider na ang pandemiya ng COVID-19 ay mahigpit na hamong kinakaharap ng buong sangkatauhan, bagay na nagdulot ng napakalaking epekto sa kabuhayang pandaigdig.
Nakahanda anila ang panig Tsino at Aprikano na igiit ang diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan, at magkakasamang harapin ang iba't-ibang uri ng panganib at hamon para ang kooperasyong Sino-Aprikano ay maging modelo ng multilateralismo,pagkakamit ng mutuwal na kapakinabangan at win-win na resulta, at makapagbigay ng positibong ambag sa pagtatanggol ng pagkakapantay-pantay at katarungang pandaigdig.
Salin: Lito