|
||||||||
|
||
May 24, 2015 (Sunday)
Magandang-magandang gabi. Ito ang inyong loving DJ para sa Gabi ng Musika atbp.
Quote for the day: "Love is not something you find. Love is something that finds you."-- Loreta Young
Kumusta sa lahat ng mga hao pengyou everywhere in the world. Okay lang ba kayo riyan? Kumusta ang inyong weekend? Ano ba ang pinagkaabalahan ninyo nitong mga nagdaang araw? Baka naman puwede ninyong i-share sa amin. Gusto naming makarinig mula sa inyo. Okay lang ba?
Gusto kong batiin ang Ultimate Comfort Band sa pagkakaroon nila ng panibagong booking. Natapos na ang contract nila sa isang bar dito sa Beijing at ngayon pumirma sila ng bagong contract sa Tianjin, isang lunsod na di-kalayuan sa Beijing. Dalawang buwan din silang nabakante. Mabuhay kayo!
Binabati ko rin si Vicky Smith ng Jiangguomen, Beijing. Very successful daw ang fund-raising drive nila para sa mga biktima ng lindol sa Nepal. Nag-rummage sale sila sa downtown Beijing at halos naubos ang lahat ng kanilang paninda.
Sabi ni Wilfred ng Dasmarinas, Cavite: "Dapat pala, Kuya Ramon, hindi ka mag-expect ng anuman sa taong tinulungan mo dahil kung ikaw naman ang humingi ng tulong sa kanya at hindi ka niya tinulungan, madi-disappoint ka lang."
Korek na korek ka riyan, Wilfred. Atsaka talaga namang hindi ka dapat mag-expect ng anuman pag tumutulong ka sa kapuwa mo dahil nawawalan ng value iyong tulong mo dahil tinulungan mo nga siya pero tinulungan ka rin niya bilang pagtanaw ng utang na loob, sa bawi-bawi lang. Kaya, mas maganda, tumulong ka nang taos sa puso at huwag mag-expect ng kahit ano. Iyong nasa itaas na ang bahala sa iyo.
Mamaya, sa culinary portion ng ating programa, mayroon tayong masarap na snack, Prawn Toast, kaya huwag kayong aalis.
SHOW AND TELL
(AL WILSON)
Iyan, narinig ninyo ang ating pambungad na bilang, "Show and Tell," na inihatid sa ating masayang pakikinig ni Al Wilson. Ang track na iyan ay lifted sa album na may katulad na pamagat.
Kayo ay nakikinig sa himpilang China Radio International at sa programang Gabi ng Musika atbp. ng Serbisyo Filipino. Ito si Ramon jr., ang inyong loving, ever loving DJ.
Bigyang-daan natin ang ilang text messages.
Sabi ni Marisa ng Plaridel, Bulacan: "Masarap pala, Kuya, iyung scrambled egg with cucumber. Dati kasi kamatis lang nilalagay ko. Ngaun pinaghahalu kupa minsan iyung 2."
Sabi naman ni Vicky Smith ng Jiangguomen, Beijing: "Salamat sa tulong ninyo sa fund raising drive namin para sa Nepal. Malaki-laki rin ang nalikom naming halaga. Iyon ay para sa food program para sa mga biktima ng lindol."
Sabi naman ni Charlene ng Aguinaldo Highway, Imus, Cavite: "gaanu kaya katutuo yung sinasabi ng mga scientist/expert na makakaranas ang MM atb pang parte ng ph ng malakas na lindol anytime?"
Sabi naman ni Vilma ng Kalayaan Avenue, Makati City: "nakakaranas tau ng matinding init kung summer at malalim na baha kung tag-ulan dahil na rin sa ating pang-aabuso sa kalikasan. hindi na talaga tayo natuto."
Sabi naman ni Elycia Tupaz ng Quirino Highway, Malate: "Bakit kaya kahit na mahirap na paraan naiisip ng mga tao para manloko ng kapuwa pero kahit madali hindi nila maisip para makatulong sa iba?"
Maraming-maraming salamat sa inyong mga SMS.
MISS YOU SO MUCH
(ZHOU BICHANG)
Mula sa album na may pamagat na "Super Girls' Voice," iyan ang awiting "Miss You So Much" ni Zhou Bichang.
At sa culinary portion ng ating programa, ang Chinese recipe natin ngayong gabi ay Prawn Toast...
PRAWN TOAST
Mga Sangkap:
250 grams ng sariwang prawns
50 grams ng matigas na taba ng baboy
4 na water chestnuts, tinadtad nang pino
1 kutsarita ng Chinese rice wine o dry sherry
3/4 na kutsarita ng asin
1/4 na kutsarita ng asukal
1 pirot ng puting paminta
1 itlog, binati
1 kutsara ng cornflour
loaf bread o pang-Amerikano, sliced
Mantika para sa deep-frying
Paraan ng Pagluluto:
Gamit ang cleaver, tadtarin nang pinung-pino ang tinalupang prawns kasabay ng taba ng baboy. Kung mayroon kayong food processor, hiwain nang maliliit at pakuwadrado ang taba ng baboy bago ilagay sa processor sa loob ng ilang segundo. Isunod ang prawns at ituloy pa ang pagbe-blend sa loob ng ilang segundo. Ilagay ang lahat ng mga iba pang sangkap liban sa sliced bread. I-blend nang mabuti.
Tanggalin ang crust ng tinapay at hiwain nang pabilog o pakuwadrado. Lagyan ng kaunting mixture ang pawat piraso ng tinapay tapos iprito sa maraming mantika sa loob ng 2-3 minuto. Baligtarin minsan ang mga ipiniprito para magkulay brown kapuwa ang ibabaw at ilalim. Kung gugustuin, puwede ring samahan ng itlog ng pugo ang mixture sa ibabaw ng tinapay bago iprito. Isilbi nang mainit bilang snack o hors d'oeuvre.
Subukin ninyo ito tapos bigyan niyo ako ng feedback, ha? Ipadala ninyo ang inyong feedbacks sa ramones129@yahoo.com o i-SMS sa 0947 287 1451. At magpapatuloy tayo...
THE WONDER IN MADRID
(JOLIN TSAI)
"The wonder in Madrid," inawit ni Jolin Tsai at hango sa album na "The Dancing Diva."
Nagtatanong si Mareng Gina ng Baclaran kung ano sa Chinese ang lettuce, mongo sprout, peanut, bottle gourd, celery at ginger.
Okay, Mare, makinig ka. Ang lettuce o litsugas ay shengcai; ang mongo sprout o toge ay meng ge mengya; ang peanut o mani ay huasheng; ang bottle gourd o upo ay hulu ping; ang celery o kintsay ay qin cai; at ang ginger o luya ay jiang.
Oh, okay na ba iyan, Mare? Sabihin mo lang kung kulang pa (hahaha). Mag-SMS ka lang.
Mayroon ditong magandang quotation: "Problems are not reasons to give up, but a challenge to improve ourselves; not an excuse to back out, but an inspiration to move forward."
Iyan, hindi lang nakalagay dito kung kaninong pangungusap ito. Anyway, salamat sa nagpadala, si Alice ng Ayala Avenue, Makati City. Maganda iyan. Pagmuni-munihin ninyo.
At diyan sa puntong iyan nagtatapos ang edition sa araw na ito ng Gabi ng Musika atbp. Itong muli si Ramon Jr. Maraming salamat sa inyong pagsubaybay. Sana lagi kayong malayo sa anumang gulo at sakit ng ulo at laging tatandaan na ang kabutihan ay ipinapasa, hindi ibinabalik. Zai jian and God bless...
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |