|
||||||||
|
||
"Pork barrel," paraan ng panggigipit sa mahihirap
ISANG URI NG TERORISMO ANG PORK BARREL. Sinabi ni Cebu Archbishop Jose S. Palma, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na bukod sa mga protesta ay kailangang magsisi ang lahat sa isyu ng pork barrel. (Larawan ni Roy Lagarde)
NAGBABALA ang Catholic Bishops Conference of the Philippines na mayroong lumalalang social cancer dala ng mga pangungulimbat sa loob at labas ng pamahalaan. Sa isang pastoral letter, sinabi ng kapulungan ng mga obispo na marapat lamang kondenahin ang gawing ito bilang immoral at isang paraan ng panggigipit o terorismo laban sa mahihirap. Kabilang din sa pinuna ng mga obispo ay ang "politics of patronage" na dala nito.
Hindi lamang ito kasalanan ng mga taong wala ng budhi kungdi pagtataksil sa pagtitiwala ng taongbayan. Paglabag ito sa kautusan ng Diyos: "Huwag kang magnanakaw" at "Huwag kang magnasa sa hindi mo pag-aari."
Ito ang buod ng dalawang pahinang pastoral letter na nilagdaan ni Cebu Archbishop Jose S. Palma. Binigyang-diin ng arsobispo na nawa'y mag-ugat ang mga pagpoprotesta sa pagkakabatid na nilabag ng mga pinuno ng bansa ang kautusan ng Diyos at hindi lamang sa galit o sama ng loob na napagnakawan ang kaban ng bayan.
Nararapat lamang maging tugon ng mamamayan sa pork barrel issue ay hindi lamang protesta kungdi pagsisisi sapagkat hindi lamang naging biktima ng isang tiwaling kalakaran ang karamihan sa bansa.
Kahit paano'y nakatulong ang mga mamamayan sa isang tiwaling kalakaran sa pamamagitan ng kakaibang katahimikan o sa pakikipagsabwatan samantalang nakikinabang sa bunga ng katiwalian.
Nanawagan din ang mga obispo na makiisa kay Pope Francis sa pag-aalay ng mga panalangin at pagsasakripisyo bukas, ang taimtim na pagdarasal para sa kapanganakan ng Birheng Maria.
Idinagdag pa ni Arsobispo Palma na ang panalanging ito ay kasabay na rin ng pagsasakripisyo para sa kapayapaan sa Syria.
Ayon sa arsobispo, sa pakikiisa kay Pope Francis, gawin na rin ang mga Katoliko ang araw ng Sabado bilang araw ng pagbabayad puri para sa mga kasalanang nagawa laban sa kapayapaan ng daigdig at paghahari ng kapayapaan sa Pilipinas. Ang pagnanakaw ang siyang sumisira sa kapayapaan at ang pagsisinungalin ay naglalapit ng kapayapaan sa panganib. Kung walang spat na palatuntunan para sa kalusugan ng mga mamamayan, ang pagnanakaw ng salapi ng pamahalaan ang naging dahilan ng kamatayan ng mahihirap.
Inihalimbawa pa niya ang kawalan ng tahanan ng mahihirap at sa pagnanakaw ng mga nasa pamahalaan ay nawalan na ng pagkakataong mabuhay ng maayos ang mahihirap.
Idinagdag pa ng mga obispo na nararapat mabilis ang paglilitis at mapanagot ang mga nagkasala, dagdag pa ng pastoral letter na nilagdaan ni Arsobispo Palma sa ngalan ng higit sa 100 mga obispo sa buong kapuluan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |