|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||
Pangulo ng mga manggagamot sa Pilipinas, nanawagan
HUMINGI ng tulong si Dr. Leo Olarte, Pangulo ng Philippine Medical Society sa pamahalaan na tulungan ang pamilya ng mag-asawang manggagamot na nasangkot sa sakuna sa Tienanmen Square kahapon.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Dr. Olarte na nananawagan siya sa pamahalaan at sa mga kasapi ng Philippine Medical Association na tulungan ang pamilya ni Dr. Nelson Bunyi. Nasawi ang kanyang maybahay na si Dra. Bunyi sa sakuna kahapon.
Kasama nila ang kanilang mga anak ng maganap ang sakuna. Ayon kay Dr. Olarte, nasawi si Dra. Bunyi sa lugar ng pinangyarihan ng sakuna samantalang si Dr. Nelson at dalawang anak ay nangasugatan at nagkaroon ng multiple fractures. Nasa pagamutan na sila.
Nasa Tsina ang pamilya Bunyi upang magbakasyon. Nanawagan si Dr. Olarte na tulungan ang mga nasugatan at maiuwi ang labi ng nasawi sa pinakamadaling panahon.
Ibinalita ng mga pandaigdigang news agencies kahapon ang insidenteng ikinasawi ng lima katao at ikinasugat ng may 38 iba pa matapos araruhin ng isang sports utility vehicle ang isang grupo ng mga turista. Sumabog ang sasakyan matapos mabangga ang mga turista.
Malaki umano ang posibilidad na sinadya ng tsuper at mga kasama ang pananagasa sa mga turista at may posibilidad na nagmula ang mga may kagagawan sa isang pook sa hilagang kanluran ng bansa.
Naglalakad umano ang pamilya ni Dr. Nelson Bunyi sa sidewalk nang makita nila ang rumaragasang sasakyan patungo sa kanilang direksyon. Ayon kay Dr. Bunyi, napakabilis ng sasakyan kaya't hindi sila nakatakbo. Bumagsak umano siya sa lupa at apoy na lamang ang kanyang nakita.
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |