|
||||||||
|
||
Kahirapan ang isa sa mga dahilan ng teenage pregnancy
NAPUPUNA NG MGA DALUBHASA ANG INCEST CASES SA PILIPINAS. Binanggit ni Dr. Michael Tan, Dekano ng Anthropology sa Pamantasan ng Pilipinas na may mga usapin ng incest sa bansa na nararapat suriin at pag-aralan upang mabatid ang mga dahilan. (Melo Acuna)
POPCOM DIRECTOR MAY PAALALA KAY FREDDIE AGUILAR. Nararapat isaalang-alang ng sikat na mang-aawit na si Freddie Aguilar ang kalusugan at kabutihan ng kanyang katipang 16 na taong gulang pa lamang. Si Aguilar, 60 anos na ay nabalitang katipan ng isang menor de edad kamakailan. (Melo Acuna)
SINABI ni UP Dean Michael Tan na isa sa mga dahilan kung bakit maraming mga Pilipina ang maagang nagdadalang-tao ay ang kanilang kahirapan. Sa kanyang pagsasalita sa paglulunsad ng "State of World Population 2013," sinabi ni G. Tan na mas makabubuting suriin kung anong epekto mayroon ang Conditional Cash Transfer sa mga kababaihan upang huwag kaagad magdalanga-tao. Idinahilan niya na ang pag-aangat sa mga mamamayan sa kahirapan ang siyang maglalayo sa mga kabataan sa pagdadalang-tao sa murang edad.
Binanggit din niya ang pagkakaroon ng specialization sa larangan ng obstetrics at ito ay ang adolescent obstetrics. Sa kanyang pakikipag-usap sa isa sa mga adolescent obstetricians, kanyang nabatid na ang pinakabatang pasyente ay isang siyam na taong gulang na bata na nagluwal ng anak matapos ang ilang buwan. Ang itinuturong ama ay ang ama mismo ng bata.
Sa panig ni Dr. Juan Antonio A. Perez III, ang executive director ng Commission on Population, nababahala siya sa nakikita ng madlang katayuan ng nabalitang katipan ng bantog na mang-aawit na si Freddie Aguilar. Lumabas sa media na mayroon siyang 16 na taong-gulang na katipan. Delikado umano sa kalusugan ng kanyang katipan kung magdadalang-tao kaagad. Hindi pa umano handa ang isang babaeng magdalang-tao sa murang edad.
Malaki ang posibilidad na hindi na niya maituloy ang pag-aaral kahit balak pa niyang magtapos ng Hotel and Restaurant Management sa kolehiyo.
Bagama't personal na desisyon pa rin ang mananaig, nararapat lamang na pag-aralan ang magiging epekto nito sa kalusugan at personal development, dagdag pa ni Dr. Perez.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |