|
|
|||||||
| |
||||||||
|
||

UK AMBASSADOR: TUTULONG KAMI HANGGANG 2014. Ito ang pangako ni Ambassador Nasif Ahmad sa idinaos na pananghalian sa kanyang tahanan kanina. Batid umano nila ang pangangailangan ng mga nasalanta kaya magkakaroon ng mga palatuntunang "food-for-work" sa kanayunan. (Melo Acuna)
MAGTATAGAL ang tulong na magmumula sa pamahalaan at mga mamamayan ng United Kingdom. Sa pagtataya ni United Kingdom Ambassador to the Philippines Nasif Ahmad, magpapatuloy ang kanilang pagtulong sa mga nasalanta hanggang matapos ang 2014.
Sa isang pananghaliang kanyang ibinigay para sa mga mamamahayag, sinabi ni Amb. Ahmad na mahihirapang makabawi ang mga magsasakang napinsala ang mga tanim na niyog. Mahihirapan din ang mga mangingisdang nawalan ng mga bangkang ginagamit sa pamamalakaya kaya't pinag-aaralan nila ang pagpapatupad ng mga palatuntunang maihahalimbawa sa "food for work." Nangangahulugan ito ng pagpapasahod sa mga magsasaka at mangingisda na bibigyan ng gawain tulad ng paglilinis ng kapaligiran
Mayroon din silang darating na aircraft carrier sa huling linggo ng Nobyembre na pamalit sa kanilang destroyer na nasa karagatan ng Cebu. Ipinaliwanag ni Ambassador Ahmad na destroyer ang kanilang naipadala sapagkat ito ang nasa may karagatan lamang ng Malaysia at mayroong mga manggagamot, gamot at pasilidad na makatutugon sa emergencies.
Bagaman, sa pagdating ng kanilang aircraft carrier, may pitong helicopters ito na makapagdadala ng mga relief goods sa malalayong pook. Hindi rin naniniwala si Ambassador Ahmad na pakikinabangan ng mga mamayan ang relief goods na idadaan sa air drops.
Sa oras magamit ang kanilang helicopters pakikiusapan niya ang mga punong barangay na tiyaking walang anumang stampede o kaguluhang magaganap sa oras na lumapag ang kanilang mga sasakyan.
Walang magiging pagkakaiba ang dami ng relief goods na ibibigay sa barangay captain at mga mamamayan, dagdag pa ni Ambassador Ahmad.
Binanggit din ni Ambassador Ahmad na may isinumite silang aerial photos sa pamahalaan na kinuha mula sa katimugan ng Palawan hanggang sa Panay Island, katimugang Masbate, hilagang Cebu at iba pang maliliit na isla. Mapakikinabangan umano ang mga larawang ito sa pagpapadala ng mga pagkain at tulong sa mganasalanta.
Mayroon ng inilaan ang pamahalaan ng United Kingdom na nagkakahalaga ng US $ 53 milyon at at US $ 33 milyon mula sa pribadong sektor upang matulungan ang mga napinsala ni "Yolanda."
| © China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |