|
||||||||
|
||
UN Secretary General Ban Ki-Moon nakikiisa sa mga nasalanta
UN SECRETARY GENERAL BAN KI-MOON NANAWAGAN SA IBA'T IBANG BANSA. Sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag kahapon, sinabi ni G. Ban Ki-Moon na nakiusap na siya sa mayayamang bansang dagdagan at bilisan ang tulong para sa mga nasalanta. (Oliver Marquez/PNA)
MAGTUTULUNGAN ANG UNITED NATIONS AT PILIPINAS. Ito ang nais ipahiwatig nina UN Secretary General Ban Ki-Moon at Foreign Secretary Albert F. Del Rosario sa kanilang pagharap sa media kahapon. (Oliver Marquez/PNA)
SINABI ni United Nations Secretary General Ban Ki-Moon na nagtungo siya sa Pilipinas upang ipakita ang pakikiisa sa pamahalaan at mga mamamayang malubhang apektado ng bagyong "Yolanda."
Lubha umano siyang nalungkot sa pinsalang nakita sa Tacloban City ng dumalaw siya noong Sabado lalo't nakita niya ang pagsisikap ng mga taong makabawi at makabalik sa norma na pamumuhay.
Ayon kay Ginoong Ban, suportado ng United Naitons ang mga palatuntunan ng pamahalaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang taong strategic response plan. Nanawagan siya sa mga makatutulong na ipadala ang kanilang mai-aambag upang masimulan na ang palatuntunan. Nakausap na umano niya ang mga nangungunang mga ambassador sa Pilipinas at nanawagan na rin sa mga bansang maging maluwag sa kanilang pagtulong.
Isa ang Pilipinas sa pinaka-apektado ng mga kalamidad at isa ang United Nations sa mga naunang tumulong sa mga binagyo. Pinasalamatan niya ang mga kawal mula sa 25 mga bansa na nagkaroon ng mahalagang papel sa humanitarian assistance. Higit sa apat na milyong biktima ang nakatanggap ng pagkain, higit sa 200,000 pamilya ang nakatanggap ng emergency shelter. Nagkaroon na rin ng may 260 mobile clinics at may binhi para sa may 10,000 pamilya ng mga magsasaka. Hindi magkakaroon ng krisis sa pagkain sa 2014.
Nakausap na rin ni G. Ban si Pangulong Aquino at Kalihim Del Rosario tungkol sa iba't ibang isyung mahahalaga. Nararapat lamang papurihan ang pamahalaan sa pagtatangka niyong matamo ang kapayapaan tulad ng namamagitan sa pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.
Nakiusap si G. Ban sa mga may kakayahang bansang tumulong sapagkat sa panawagan ng United Nations na US$ 791 milyon ay tanging 30% pa lamang ang natatanggap. Kailangan ng Pilipinas ang salapi upang matugunan ang kakulangan sa pagkain, tubig at kalinisan. Kailangan din ang matitirhan, dagdag pa ni G. Ban.
Unti-unting nakababalik ang kalakal at napuna rin niya ang paglilinis na ginagawa ng mga mamamayan sa kanilang tinitirhan.
Pinayuhan din niya ang lahat ng tanggapang nasasaklaw ng United Nations na kumilos bilang iisang tanggapan. Kabalikat ng Pilipinas ang United Nations, dagdag pa ni G. Ban.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |