Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Krisis sa pagkain, posibleng maganap

(GMT+08:00) 2013-12-30 17:32:11       CRI

Krisis sa pagkain, posibleng maganap

KRISIS SA PAGKAIN, MAY POSIBILIDAD. Ito ang tugon ni International Rice Research Institute Deputy Director General Bruce Tolentino sa katanungan kung sasapat na ang pamamahagi ng binhi sa may 10,000 mga pamilyang nagsasaka ng palay. Marami umanong konsiderasyong kailangang suriin, dagdag pa ni G. Tolentino. (File Photo)

BAGAMA'T inibalita na ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs at ng pamahalaan ng Pilipinas na nakapamahagi na ng binhi sa may 10,000 pamilyang nagsasaka, nananatiling isang posibilidad ang pagkakaroon ng krisis sa pagkain.

Ayon kay Bruce Tolentino, ang Deputy-Director General ng International Rice Research Institute, sang-ayon sila sa pahayag ng pamahalaan na hindi gasinong napinsala ang mga palayan sa Kabisayaan sapagkat naani na ng karamihan ng mga magsasaka ang kanilang tanim bago sumapit ang bagyong "Yolanda." Pinag-aralan din nila, kasama ang Kagawaran ng Pagsasaka, Philippine Rice Research Institute, sa pamamagitan ng Geographic Information System, ang (kalagayan ng) mga sakahan.

Sa kanilang paggamit ng makabagong teknolohiya, binaha ang may 1,800 ektarya ng mga palayan sa may 15 bayan. Napinsala rin ni "Yolanda" ang mga gusaling kinalalagyan ng mga inaning palay.

Sinabi ni Undersecretary for Agriculture Dante Delima na napapanahon ang paglalabas ng satellite maps sa kanilang pagsusuri at pagpapatupad ng mga palatuntunan. Si G. De Lima ang siya ring National Rice Program Coordinator.

Naani na ng mga magsasaka ang kanilang palay mula Setyembre hanggang Oktubre, bago tumama ang napakalakas na bagyo. Subalit malaking pinsala rin ang natamo sa mga pagawaing-bayan tulad ng mga bodega, patubig, kagamitan sa pagsasaka na makaaapekto rin sa susunod na rice planting season.

Ayon kay G. Tolentino, ang katanungan kung sasapat na ang pamamahagi ng binhi sa may 10,000 mga pamilyang nagsasaka ng palay ay isang malawak na paksang nararapat suriin.

Depende umano ito sa kalagayan ng bawat pamilyang nagsasaka ng palay. Isang konsiderasyon ay kung mahigpit ang pangangailangan ng pagkain ng pamilyang tumanggap ng binhi, may posibilidad na ipinagbili o ipinagpalit ng pagkain upang maibsan ang kanilang pagkagutom.

May posibilidad ring walang katiyakan kung ang binhing ipinamahagi ay angkop sa pagtatamnan. Kung hindi ito angkop, tiyak na magiging mababa ang ani.

Idinagdag pa ni G. Tolentino na samantalang nakatanggap ng binhi ang mga magsasaka, baka naman hindi pa sila handang magtanim agad kung nawala ang kanilang traktora o nasawi ang kanilang kalabaw at nawala ang kanilang iba pang kagamitan, mangangailangan sila ng tulong upang makapag-bungkal ng lupa.

Ayon kay G. Tolentino, sa mga nakalipas na trahedya sa Aceh (Indonesia), sa Myanmar, Kanlurang Thailand, Silangang India at maging sa Bangladesh, sa bawat daluyong, nawawalan ang mga magsasaka ng kanilang mga kagamitan at mga pagawaing-bayan. Kailangang maayos at mapalitan ang mga nawala upang higit na matulungan ang mga magsasaka.

Sa oras na mabuksan ang mga lansangan at makaikot ang mga mangangalakal, makararating ang mga pataba at pestisidyo na may kataasan ang presyo.

Sa katanungan kung kailangang kilalanin ng pamahalaan ng Pilipinas ang iba pang mga pook na hindi gasinong apektado ng mga kalamidad, sinabi ni G. Tolentino na wala nang magagawa sapagkat wala ng mga lupain ang mabubuksan para sa pagtatanim ng palay.

Isang malaking isyu sa Pilipinas ang pag-aari ng mga lupain. Ang malaking hamon sa Research and Development ay ang pagkakaroon ng mga uring mas angkop sa mga suliranin tulad ng mas maiksing panahon ng pagtatanim, kakayahin ang pagpasok ng tubig-alat sa mga palayan at kayang mabuhay kahit may baha kasabay ng kakayahang mabuhay sa oras ng tagtuyot.

Magugunitang bibili ang Pilipinas ng may 500,000 metriko toneladang bigas mula sa Vietnam upang maibsan ang kakulangan ng butil sa bansa. Wala umanong epekto ito sa pandaigdigang halaga ng bigas sapagkat inaasahan ng mga international traders at suppliers na mag-aangkat ang Pilipinas kahit pa tumatanggi ang liderato noon.

Mas kapanipaniwala ang kasaysayan ng pag-aangkat kaysa sa mga maikiling pahayag tungkol sa targets. Hindi rin maapektuhan ang presyo sa international market sapagkat maganda ang ani ng Thailand at India.

Sa isyu ng pagpasok ng tubig-dagat sa mga palayan, hindi umano malaking problema ang situasyong ito sapagkat matapos ang isang taniman at pagsapit ng tagulan, nawawala rin ang asin sa palayan. Ang malalim na pagbubungkal ang siyang mag-aalis ng nalalabing asin.

Ipinaliwanag pa ni G. Tolentino na sa mga sakahang natabunan ng putik na dala ng daluyong, ang putik na ito ay maaaring mataba at mabubungkal pailalim.

Ang lahat ng ito'y nakasalalay sa pagkakaroon ng kakayahang magbungkal at pagkakaroon ng sapat na kagamitan.

1 2 3 4 5
May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>