|
||||||||
|
||
Kahalagahan ng pagkakaibigan ng mga Tsino at Pilipino, layunin ng Kaisa Foundation
MAY SANDIGAN ANG RELASYON NG TSINA AT PILIPINAS. May kasaysayan ang pagkakaibigan ng mga Tsino at mga Pilipino. Ayon kay Bb. Teresita Ang See, mapalad silang naglayag ang kanilang mga ninuno patungo sa Pilipinas sapagkat sa bansang ito nila malayang naipagdiriwang ang kanilang lahi at kultura. Ang relasyong namamagitan sa mga Pilipino at Tsino ang lulutas sa mga 'di pagkakaunawaan, dagdag pa niya. (Melo Acuna)
NAGHAHANDA NA ANG FEDERATION OF FILIPINO-CHINESE CHAMBERS OF COMMERCE AND INDUSTRY PARA SA SPRING FESTIVAL. Mamamahagi ang FFCCCII ng may 1,000 tikoy sa Chinese New Year sa Plaza Lorenzo Ruiz sa Binondo, Maynila. Ani Pangulong Alfonso Siy, makakasama nila ang Punong Lungsod Joseph Ejercito Estrada sa pamimigay ng tikoy, pamamahagi ng angpao at mga matatamis. (Melo Acuna)
SA idinaos na pagdiriwang ng ika-15 anibersaryo ng Bahay Tsinoy Museum of Chinese in the Philippines, sinabi ni Teresita Ang See na ang kanilang museo ang katatagpuan ng kasaysayan at kultura ng mga Tsinoy na kabilang sa mainstream ng lipunang Pilipino.
Isang pagkilala rin ang museo sa kalayaang ibinigay ng Pilipinas sa mga Tsinoy na ipagdiwang ang kanilang kaibahan lalo't hindi lahat ng bansa ang nagbibigay ng kalayaan sa mga itinuturing na cultural minorities na magkaroon ng mga proyektong tulad ng Kaisa Angelo King Heritage Center.
Mapalad umano silang kanilang mga ninuno ay naglayag patungo sa Pilipinas sapagkat tanggap ang mga Tsinoy sa lipunan.
Sa pagkakaroon ng 'di pagkakaunawaan hinggil sa South China Sea, sinabi pa ni Bb. Teresita Ang See na nakalulungkot ang pangyayaring ito subalit mayroong sandigan ang matagal nang relasyon sa pagitan ng mga Pilipino at Tsino na magiging daan upang maisa-isang tabi ang 'di pagkakasundo at kilalanin ang kasaysayang namagitan sa dalawang bansa.
Kailangan lamang magkaroon ng pagpupunyagi ang Pilipinas at Tsina upang higit na bigyang halaga ang "people-to-people relations."
Idinagdag pa niya na sa Pilipinas na sila isinilang at Pilipinas lamang ang tanging bansa nilang kinagisnan bagama't may dugong Tsino kaya't sila ang pinaka-tulay sa pagitan ng dalawang bansa.
Samantala, sinabi ni Dr. Alfonso Siy, Pangulo ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry na bilang pagdiriwang ng Spring Festival na kilala sa Pilipinas bilang Chinese New Year, mamamahagi ang kanilang samahan ng 1,000 tikoy sa Plaza Lorenzo Ruiz sa Binondo, Manila pagsapit ng hapon ng ika-31 ng Enero.
Magkakaroon din ng parada at mamamahagi sila ng angpao at mga candies para sa mga manonood ng pagdiriwang.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |