|
||||||||
|
||
Mga leksyong natutuhan sa "Yolanda" ipinaliwanag
MARAMING leksyong natutuhan sa nakalipas na bagyong "Yolanda." Ito ang naging paksa sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga. Ipinaliwanag ni Dr. Cecilia S. Acuin ng National Institute of Health ng Pamantasan ng Pilipinas na nararapat maging sensitibo ang mga nagbibigay ng pagkain sa oras na trahedya.
Bagama't kailangan ng pagkain sa unang 72 oras matapos ang trahedya, nararapat kilalanin ng ahensya ang kultura ng kanilang pagbibigyan ng pagkain. Inihalimbawa niya ang ipinamigay na masustansiyang mga biskwit ng World Food Program. Nagreklamo umano ang mga biktima sapagkat hindi sila nabubusog sa kanilang natanggap na mga biskwit.
Sa panig ni Ryan Jopia, ang Manager ng Community Health and Nursing ng Philippine Red Cross, soup kitchen ang kanilang itinatayo sa unang 72 oras sapagkat wala pang sapat na kagamitan at pagkain ang mga nasalanta. Sinusundan nila ito ng pagkaing maihahanda ng mga biktima sa oras na magkaroon ng pamilihan o palengke na katatagpuan ng mga pagkaing gusto ng mga biktima.
Nagbabala rin si Dr. Acuin na bagama't masarap ang instant noodles, ang sobrang alat na timpla nito ay makasasama sa kalusugan ng mga nasalanta.
Ayon kay Dr. Jose Yamamoto, isang cardiologist, unang prayoridad ng mga manggagamot tulad ng kanilang samahang Couples for Christ na magkaroon ng ligtas na tubig na maiinom sapagkat mabubuhay ang tao ng 24 ng walang pagkain subalit masasawi sa oras na di makainom ng malinis na tubig. Kasunod ng tubig ang pagkain, damit at masisilungan at ang mga gamot na kailangan ng mga may karamdaman.
Sa panig ni Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines executive director Teodoro B. Padilla, sinabi niyang walang problema sa mga gamot na mula sa iba't ibang bansang dala ng mga dalubhasang tumulong sa trahedya. May isang banyagang kumpanyang kasapi ng PHAP ang nagbigay ng anti-tetanus vaccine kaya nga lamang ay hiniling nilang magkaroon ng etiketang mauunawaan ng mga Pilipino,
Ani Dr. Edgar Posadas, managing director ng PHAPCares, handang tumulong ang mga nasa pribadong sektor tulad rin ng mga tanggapan ng pamahalaang kailangan ding magkaroon ng pinaka-conductor na mamumuno sa iba't ibang grupong handang tumulong sa mga biktima.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |