|
||||||||
|
||
SA gitna ng pagbubunyi ng iba't ibang sektor sa paglagda ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front sa ika-apat na annex sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, nagbabala ang National Democratic Front of the Philippines sa Mindanao sa lahat ng mga may taya sa mga layunin ng mga Moro na huwag malilimutan ang mga ugat ng suliranin ng mga Muslim.
Ani Jorge Madlos na kilala sa pangalang Ka Oris, kahit anupang kasunduan ang malagdaan kung mananatili ang sistemang pyudal at malapyudal na ipinapataw sa mga Moro ng mga naghaharing uri at ng mga dayuhang nagdidikta, walang anumang kabutihang magaganap.
Kung walang anumang malawakang pagbabagong magaganap ang mithing autonomiya ay mawawalang saysay lalo't higit ang ibang pananaw sa mga Muslim.
Idinagdag pa ni Ka Oris, ang karamihan ng mga Muslim ay nananatiling walang sariling lupa. Ang yaman ng mga lupaing minana sa mga ninuno ay magagamit pa rin ng mga mandarambong na korporasyong pag-aari ng mga Pilipino at mga banyaga.
Nagbabala pa rin ang National Democratic Front of the Philippines-Mindanao na kung magpapatuloy ang pagtatangi ng mga namumuno sa mga pamahalaang lokal at kikilalanin pa rin ang mga Moro bilang mga terorista, at ang kanilang tinitirhan bilang mga kuta ng mga terorista, na masasalakay ng mga kawal ng pamahalaan tulad ng naganap sa Zamboanga noong Setyembre ng 2013, walang anumang kapayapaang makakamtan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |