|
||||||||
|
||
VP Binay, umaasang huwag namang madawit ang mga OFW sa Hong Kong
UMAASA si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na huwag namang madamay ang mga manggagawang Pilipino sa kanilang pag-aalis ng visa-free access para sa mga opisyal ng pamahalaan at dignitaries na magtutungo sa Hong Kong.
Ani G. Binay sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa Dipolog City kanina na umaasa siyang huwag namang madadamay ang mga manggagawang Pilipino sapagkat nakalulungkot ito.
Ayon sa pangalawang pangulo, uulitin niya ang kanyang panawagan sa pamahalaan ng Hong Kong na baguhin ang kanilang naging desisyon.
Ikinalungkot ni G. Binay ang desisyon ng Hong Kong matapos tumanggi ang Pilipinas na humingi ng paumanhin sa naganap na Manila hostage crisis na ikinasawi ng walong turistang mula sa Hong Kong noong 2010. Magugunitang pitong iba pa ang nasugatan.
Nakiusap na si G. Binay sa mga pinuno ng Hong Kong noong nakaraang linggo sa pagkakatanggap ng balitang mula sa Miyerkoles, ika-lima ng Pebrero ay 'di na makapapasok pa sa Hong Kong ang mga opisyal ng pamahalaan, kasabay na ang mga diplomata ng walang kaukulang visa.
Ito umano ang unang hakbang sa serye ng mga sanction laban sa Pilipinas sa pagtanggi ng pamahalaang humingi ng paumanhin.
Ani G. Binay, kung hahantong sa paghingi ng visa sa mga OFW, tiyak na kakaltasin ito ng kanilang mga employer sa kanilang sahod kaya't magiging dahilan ng kakulangan ng kita sa paglilingkod sa mga Hong Kong nationals.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |