|
||||||||
|
||
Pangalawang Pangulong Jejomar Binay, umaasang makakaligtas si Joselito Zapanta sa parusang kamatayan
UMAASA pa rin si Pangalawang Pangulong Jejomar C. Binay na makakaligtas sa parusang kamatayan si Joselito Zapanta matapos lumabas ang balitang nalagdaan na ang execution order.
Ani G. Binay, may pagkakataon pa sapagkat may dalawang hakbang pang nararapat sundin.
Nakiusap siyang huwag nang dagdagan pa ang pangamba ng mga mamamayan sapagkat may proseso pang nararapat sundin.
Ginawaran si Zapanta ng parusang kamatayan sa Saudi Arabia sa pagpaslang kay Imam Ibrahim, isang tubong Sudan, sa 'di pagkakaunawaan sa arkila sa tahanan noong 2009.
Idinagdag pa niya na nagbigay na si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ng malaking halaga upang dagdagan ang nililikom na blood money. Hindi pa rin umabot ang naipon sa P 40 milyong hinihiling ng pamilya ng napaslang.
Mula sa orihinal na halagang SAR 5 milyon, pumayag na ang kanyang pamilya at ibinaba sa halagang SAR 4 milyon na lamang. Nakikipag-usap pa rin ang pamahalaan sa pamilya ng napaslang na bawasan pa ang kanilang hinihiling na halaga. Naghahanap pa rin si G. Binay ng mga makakatulong sa paglikom ng salapi.
Ang mabubuting loob na nais tumulong ay makakapagpadala ng donasyon sa Riyadh Philippine Embassy sub-account sa Saudi Hollandi Bank sa account number 037-040-790-022, International Bank Account Number (IBAN): SA 61-5000-0000-0370-4079-0022, Swift Code: AAALSARI
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |