|
||||||||
|
||
Pagdalaw sa mga bilanggo, karaniwang ginagawa ng mga pari at obispo
WALANG PAGKAKAIBA SA PAGDALAW SA DATING PANGULO. Niliwanag ni Lipa Archbishop Ramon C. Arguelles na walang ipinagkaiba ng pagdalaw ng mga pari at obispo sa dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na napipiit sa Veterans Memorial Medical Center sa pagdalaw sa karaniwang mga bilanggo. Bahagi ito ng "corporal works of mercy" na inaasahan sa bawat Kristiyano, dagdag pa ni Arsobispo Arguelles. Niliwanag niyang dumadalaw din sila sa mga napipiit sa kanilang mga nasasakupan. (Melo M. Acuna)
WALANG kakaiba sa pagdalaw ng mga obispo kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center sa pagdalaw sa mga bilanggo sa iba't ibang piitan.
Ito ang binigyang-diin ni Lipa Archbishop Ramon Cabrera Arguelles matapos tuligsain ng ilang sektor ang pagdalaw ng ilang mga obispo sa kontrobersyal na dating pangulong nahaharap sa kasong plunder.
Sa panayam ng CBCP Online Radio, sinabi ni Arsobispo Arguelles na sa kanyang nasasakupan, sa Lalawigan ng Batangas, ay karaniwan siyang nagdaraos ng Misa para sa mga napipiit.
Idinagdag pa ng arsobispo na obligasyon ng mga pari at maging mga layko na dumalaw sa mga maysakit at napipiit sapagkat kabilang ito sa tinaguriang "corporal works of mercy."
Kabilang sa mga dumalaw ay sina dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar V. Cruz na kabilang sa matatas na manuligsa sa dating pangulo, Lucena Bishop Emilio Z. Marquez, dating Tuguegarao Archbishop Disodado Talamayan at Bayombong Bishop Ramon Villena.
Sa panig ni CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas, wala pa umanong paanyayang nakakarating sa kanya na dumalaw sa dating pangulo.
Ipinaliwanag niyang karaniwang ginagawa ng mga pari at obispo ang pagdalaw sa mga bilanggo. Ani Arsobispo Villegas, kilala siya ng mga bilanggo sa tatlong piitang nasa kanyang arkediyosesis sapagkat regular siyang nagmimisa at dumadalaw sa mga bilanggo.
Sa Pilipinas, ang sinumang kinasuhan ng plunder ay hindi maaaring magpiyansa.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |