Mga dayuhan sa Tsina
Mga pengyou, kahit saan mang panig ng mundo, makakarinig ka ng mga stereotype. Kahit kadalasan, mali at hindi nararapat ang mga ito, patuloy pa ring lumalaganap ang mga stereotype sa bawat lahi. Minsan maririnig mo pa nga ito sa mga biro na hindi naman nakakatawa. Tayong mga Pilipino, sa aminin natin o sa hindi, mahilig tayong magbigay ng bansag sa isang bagay, lugar, tao, pangyayari, etc. Sa kalaunan, ito ay nagiging stereotype. Halimbawa, madalas nating marinig sa mga matatanda, na ang mga Hapon ay sakang. Maaring noong unang panahon, ang ilan sa kanila ay sakang. Pero, hindi ako naniniwala na lahat sila ay ganito. Madalas din nating marinig na ang mga Tsino ay switik at tuso pagdating sa pera at negosyo. Dahil ako po ay matagal-tagal na rin sa Tsina, diretsahan ko pong sasabihin sa inyo na mali ang stereotype na ito. Maraming mga Tsino ang mahilig gumasta, hindi mahilig sa negosyo, at gusto lamang mamuhay ng normal, na tulad ng karamihan sa ating mga Pilipino. Kung dadako naman tayo sa Europa at Amerika, may mga taong nagsasabi na ang mga Pilipino raw ay mga nurse at kasambahay. Lilinawin ko lang po, walang masama sa pagiging kasambahay at nurse, dahil marangal ang mga trabahong ito. Sa kabilang banda, hindi po totoo na lahat ng Pilipino ay nurse at kasambahay. Puwede po akong tumayong patunay riyan, dahil dito sa Tsina, may mga Pinoy na manager ng hotel, guro, inhinyero, arkitekto, businessman, musikero, mamamahayag na tulad ng inyong lingkod, at marami pang iba. Eh pagdating sa mga Tsino, ano naman kaya ang mga stereotype na ibinibigay ng ibang lahi sa kanila? Iyan po ang ating tatalakayin sa episode ngayong linggo ng DLYST.