|
||||||||
|
||
PATULOY na tumatanggap ng aplikasyon ang Human Rights Victims Claims Board hanggang sa ika-10 ng Nobyembre ng taong ito. Ito ang sinabi ni Board Chairperson Lina Sarmiento sa isang exclusive interview.
Ayon sa retired police director, higit na sa 1,300 ang mga aplikante ang nagtungo sa kanilang tanggapan upang mabigyan ng kaukulang kompensasyon sa kanilang tinamong mga paglabag sa kanilang Karapatang Pangtao. Nagsimula silang tumanggap ng application forms noong ika-12 ng Mayo.
Nakiusap siya sa mga biktima ng human rights violations noong saklaw ng Batas Militar ang bansa mula noong 1972 hanggang sa pagtatapos ng diktadura na huwag nang maghintay pa ng deadline upang makaiwas sa mga problema.
Kailangang magdala ng mga dokumento na magpapatunay na sila mismo ang biktima ng human rights violations. Ang kailangan, ayon kay Chairperson Sarmiento ay "proof of identity." Kailangan ito upang huwag magkamali sa paglalabas ng tseke sa mga susunod na panahon.
Kailangang magkaroon din ng sinumpaang salaysay na magsasabi kung anong uri ng paglabag ang tinamo. Kung sakaling nakulong, kailangang magdala ng kopya ng Arrest, Search and Seizure Order o ASSO o Presidential Commitment Order o PCO at iba pa tulad ng release papers kung lumaya mula sa bilangguan. Kailangang magkaroon din ng mga sipi ng mga pahayagan at magazine na naglalaman ng detalyes sa pagkakadakip o pagpapalaya sa claimants.
Magmumula ang kabayaran sa inilaang P 10 bilyon na paghahatian ng lahat. Samantala, ang non-monetary benefits tulad ng pangangailangan sa pagpapagamot ay sasagutin ng Kagawaran ng Kalusugan at sa psycho-social assistance ay magmumula naman sa Department of Social Welfare and Development.
Ibabase ang kompensasyon sa puntos na ibibigay sa mga naging biktima tulad ng 10 puntos para sa mga taong namatay o nawala at 'di na kailanman natagpuan.
Tatanggap ng mula anim hanggang siyam na puntos ang mga biktima ng torture at panggagahasa. Tatlo hanggang limang puntos ang illegal na napiit at mula isa hanggang dalawang puntos sa mga tinakot at napilitang lumikas at mangibang-bansa, biktima ng business takeover at iba pang uri ng panggigipit.
Ang mga application form ay pagbabalik-aralan at susuriin ng siyam kataong board na pinamumunuan ni Chair Sarmiento. Ang siyam kataong board ay hahatiin sa tatlo dibisyon upang mabatid na tunay ngang biktima ng paglabag sa kanilang karapatang pangtao.
Sa oras na matapos ang talaan, ilalathala ito sa mga pahayagan upang masala at tumanggap ng mga oposisyon. Magkakaroon din ng apela at sa oras na madesisyunan ang apela, ilalathala ang final list ng eligible claimants. Magkakaroon ng computation kung gaano ang matatanggap base sa mga puntos na ibibigay ng board o lupon sa mga biktima.
Ang karaniwang claimants ay mga biktimang mula 65 hanggang 80 taong gulang. Karaniwang biktima ng pagpapahirap o torture ang mga naghahabol ng kompensasyon. Ang lahat ng lehitimong biktima ay tatanggap ng salapi ayon sa pagkakahati-hati mula sa orihinal na halgang P 10 bilyon.
Ayon kay Chairperson Sarmiento, sinabi ni Human Rights Commission Chair Loretta Ann Rosales, posibleng umabot sa 20,000 ang mga aplikante. Idinagdag pa ni Chairperson Sarmiento na handa sila sa pagdagsa ng mga biktima.
Mayroon silang isinasagawang regional caravans at karaniwang napupuna nila ang kakulangan ng mga papeles at mga identification card.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |