|
||||||||
|
||
Melo 20140703
|
Mga Muslim na magtutungo sa Hajj, pinakiusapang huwag munang maglakbay
PINAKIUSAPAN ni Kalihim Enrique Ona ng Kagawaran ng Kalusugan ang mga Muslim na mula sisenta anyos pataas, mga nagdadalang-tao at mga batang wala pang limang taong gulang, may diabetes, sakit sa bato, paulit-ulit na sakit sa baga at mahinang immunity upang huwag munang maglakbay patungo sa Hajj at Umrah upang huwag mapahamak sa karamdamang Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus o MERS-CoV.
Nakatakda sanang maglakbay patungong Saudi Arabia para sa kanilang tradisyunal na Hajj o Umrah pilgrimages nagong taon ang mga Muslim. Pinayuhan ni Kalihim Ona ang mga maglalakbay na magtungo sa kanilang manggagamot at pagbalik-aralan ang peligrong maaaring maranasan.
Sa taong ito, ang Hajj, ang ikalimang sandigan ng Islam at pinakamahalagang pagpapadama ng pananampalataya at pakikiisa, ay magmumula sa ikalawa hanggang ikapito ng Oktubre.
Ang Umrah, na diumano'y lesser pilgrimage, ay nangangailangan ng pagdalaw sa Grand Mosque sa Makkah, Saudi Arabia sa labas ng itinakdang Hajj pilgrimage dates.
Nabatid mula sa World Health Organization na mayroong 699 kaso ng mga karamdamamng nasuri ng mga laboratoryo ng human infection ng MERS-CoV na ikinasawi ng 209 katao.
May halos 64% ng mga kaso ang natagpuan sa kalalakihan na ang edad ay mula sa siyam na buwan hanggang 94 na taong gulang.
Sinabi ng Kagawaran ng Kalusugan na naibalita ng World Health Organization na mayroong MERS-CoV sa mga bansang Iran, Jordan, Kuwait, Lebanon, Orman, Qatar, Saudi Arabia, United Arab Emirates at Yemen.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |