Si Michael
Kasabay ng maraming pag-unlad sa Tsina ay ang pag-unlad din ng industriya ng telebisyon at entertainment. Sa ngayon, kaliwa't kanan ang mga sikat na programa sa telebisyon sa bansa, kasama na ang paborito nating Voice of China. Bukod pa riyan, napakarami rin ng ibat-ibang talent competition show at reality show. At siyempre, dahil sa napakaraming show na ito sa telebisyon, dumami rin ang mga sikat na presenter o iyong mga tinatawag na TV host.
Sa mga unibesridad sa buong bansa, binuksan na rin ang mga kursong TV hosting, radio hosting, news presenting at marami pang iba. Siya nga po pala, dahil ang Tsina ay hindi English-speaking country, halos lahat ng mga programa sa TV, radyo, internet, at kung saan-saan pa ay nasa wikang Tsino. Kaya po napakahirap para sa isang dayuhan na pumasok sa industriyang ito. Para maging host ang isang dayuhan, ang unang-unang kailangan ay ang pagiging bihasang-bihasa sa wikang Tsino.
Pero, alam ba ninyo mga pengyou, isang Amerikano ang ngayon ay nag-aaral sa Beijing upang maging TV host sa Tsina? Hindi po biro ang kailangang pagtagumpayan ni Michael, pero, dahil gusto niya, at ito ang pangrap niya, nagsisikap siyang magtagumpay sa larangang ito.
Si Michael ay tubong California: ang kanyang ina ay mula sa Mexico at lumaki siya sa isang multikultural na kapaligiran. Simula't sapul ay mahilig si Michael sa TV hosting at ngayon, siya ay nasa Tsina at nag-aaral sa isa sa mga pinaka-kilalang unibersidad sa bansa upang abutin ang kanyang pangarap. Sa kasalukuyan, isa po si Michael sa mga mabilis na sumisikat na TV host sa Tsina. Narito po ang kanyang kuwento.