|
||||||||
|
||
Mga pari at madre, nanawagan kay Pangulong Aquino
HINDI mananahimik ang mga pari at madreng kabilang sa Association of Major Religious Superiors in the Philippines sa pagkakaroon ng isyung nakaaapekto sa buhay ng mga mamamayan.
Sa kanilang pahayag na nilagdaan ng buong lupon ng samahan, naniniwala ang mga madre at pari na hindi lamang isyung legal ang DAP at PDAF sapagkat ito;y isang usaping moral kaya't kailangan nilang magsalita.
Ikinalungkot ng samahan ang pagtatanggol ni Pangulong Aquino sa desisyon ng Korte Suprema na dahilan ng higit na pagkakahati-hati at pagyanig sa democratic institutions ng bansa.
Umaasa umano sila na susunod at igagalang ni Pangulong Aquino ang itinatadha ng batas bilang isang tunay na statesman. Hindi kailangang magkaroon ng constitutional shortcut, walang kinikilingan, walang kinakampihan sapagkat sa matuwid na daan ang katarungan ay para sa lahat hindi lamang para sa kalaban.
Ang talumpati ni Pangulong Aquino noong isang linggo ay isang pagbabanta sa Korte Suprema at nagpapaanyaya sa lehislatura na makialam kung hindi malulutas ang sigalot.
Makabubuting desisyunan na ng Korte Suprema ang motion for reconsideration partikular sa ipinangangalandakan ng ehekutibong Administrative Code.
Anuman ang kalalabasan ng desisyon ng Korte Suprema, nananawagan ang mga relihiyoso sa Ehekutibo at Lehislatura at sa mga mamamayan na igalang ang batas samantalang ipinagugunita sa lahat, mula sa mahihirap hanggang sa may poder na walang sinumang mas tataas pa sa batas.
Nararapat lamang magsagawa ng pagsisiyasat sa lahat ng mga taong sangkot sa PDAF at DAP anuman ang partidong kinabibilangan. Kailangang magkaroon ng kwenta sa lahat ng pondo ng DAP.
Nilagdaan nina Sr. Eden Panganiban ng Society of St. Paul at Fr. Leo Dalmao ng Claretians kasama sina Sr. Cecilia Bayona at Fr. Gerard Timoner at mga kasapi ng kanilang Board of Directors ang pahayag.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |