|
||||||||
|
||
K to 12, may patutunguhang maganda
NANINIWALA sina Asst. Secretary Tonisito Umali ng Kagawagan ng Edukasyon, Philippine Normal University President Dr. Ester B. Ogena, Fr. Onofre Innocencio, pangulo ng Foundation for Upgrading the Standard of Education at Joselyn Martinez ng Alliance of Concerned Teachers na may magandang ibubunga ang K to 12 program ng pamahalaan.
Sa katatapos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Fr. Innocencio na nararapat lamang suriin ang paghahanda para sa technical-vocational education sa ilalim ng TESDA sapagkat malaki ang pagkakaiba ng panukala ng iba't ibang sektor sa paghahanda ng mga kabataan sa pagsasanay at pagbibigay ng exposure sa working environment. Binanggit niya na sa palatuntunan ng DepEd at TESDA.
Ayon kay Joselyn Martinez, maganda ang layunin ng palatuntunan kaya nga lamang ay naiiwan sa larangan ng benepisyo ang mga guro sa paaralang pangpubliko sapagkat gumon na sila sa mga pautang pagkasya lamang ang kanilang sahod sa kanilang pangangailangan.
Nauuna naman ang Philippine Normal University sa pagsasanay ng mga guro upang makatugon sa pangangailangan ng K to 12 program. Mayroon na rin silang ipinatutupad na tentative curriculum. Tiniyak ni Dr. Ogena na hindi pa man nakatatanggap ng kanilang mga diploma ang kanilang mga mag-aaral ay mayroong trabahong naghihintay. Bibihira ang nasa larangan ng fast food sapagkat karamihan sa kanilang mga nagtapos, samantalang naghihintay ng licensure exam results, pumapasok sila sa call centers sapagkat matatas sila sa wikang Ingles.
Idinagdag pa ni Dr. Ogena na malaki rin ang nagagawa ng pagtuturo ng matematika at agham sa native tongue sapagkat higit na nauunawaan ito ng mga kabataan. Samantala, binigyang-diin pa niya na ang mga bansang nakapaligid sa Pilipinas ay mayroong Science and Math culture samantalang sa Pilipinas ay pawang song and dance routines.
Para kay Asst. Secretary Umali, napaghandaan na nila ang K to 12 at sa mga magulang na matagal nang nagpapa-aral ng kanilang mga anak, hindi na dagdag na pasanin ang bagong programa sapagkat higit na makikinabang ang mag-aaral sa panibagong set-up. Pagpasok sa Grade 1 ay nakapagtapos na sila ng Kindergarten kaya't simula na ito ng ibayong paghahanda para sa isang mag-aaral.
May sapat na mga pasilidad para sa mga mag-aaral sa ilalim ng K to 12 sapagkat batid na ng pamahalaan ang pangangailangan sa pagsasanay ng mga guro, karagdagang silid-aralan, maayos at mapagkakatiwalaang mga aklat at mas magagandang mga pasilidad tulad ng mga silid-aklatan at computer rooms.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |