|
||||||||
|
||
melo/20140811.m4a
|
Maling datos ang nakararating kay Pangulong Aquino
MALING IMPORMASYON ANG NAKARARATING SA PANGULO. Ito ang paniniwala ni G. Donald Dee, Chief Executive Officer ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Inc. kaya't mali ang nagiging desisyonng pamahalaan. Mas makabubuti umanong tamang datos at impormasyon ang iparating sa pangulo ng bansa upang tumugma ang solusyon sa problema tulad ng trapiko. (Areopagus Social Media for Asia)
GAMITIN ANG MOTOR VEHICLE INSPECTION SYSTEM. Sinabi ni dating LTFRB Chairman at Chief ng Land Transportation Office Engr. Alberto Suansing na kailangang dumaan sa pagsusuri ang mga sasakyang iparerehistro upang matiyak ang kanilang "road worthiness." Hindi sapat ang pagsasabing ipagbawal na ang pagrerehistro ng mga lumang sasakyan, dagdag pa ni G. Suansing. (Areopagus Social Media for Asia)
NANINIWALA si G. Donald Dee, ang Chief Executive Officer ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Inc. na mali ang naibibigay na mga datos at ulat kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III kaya't mali ang nagiging desisyon sa mga suliranin ng bansa. Inihalimbawa niya ang mga impormasyon sa traffic na lubhang humihigpit sa paglipas ng panahon.
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina, ipinaliwanag ni G. Dee na bagama't tumataas ang benta ng mga sasakyan tulad ng mga kotse, mga pampasaherong sasakyan at iba pang ginagamit ng mga Filipino ay hindi dahilan sa pag-unlad ng ekonomiya kungdi sa paglaki ng foreign remittances ng may sampung milyong mga manggagawang Filipino sa iba't ibang bansa.
Ayon naman kay dating LTFRB Chairman at Chief ng Land Transporation Office Engr. Alberto Suansing, tumataas ang benta ng mga sasakyan sapagkat walang epektibong mass transport sa Pilipinas, partikular sa Metro Manila at mga kalapit pook. Napakahalaga ng mga sasakyang magagamit upang magtrabaho ang mga manggagawa sa pamahalaan at pribadong sektor.
Naniniwala rin si G. Suansing na hindi solusyon ang pagkakaroon ng Unified Vehicular Volume Reduction Program na kilala sa pangalang number coding system. Nagbabawal ito sa mga sasakyang lumabas sa partikular na araw sa bawat linggo.
Ipinaliwanag pa ni G. Suansing na ang mga taong may sapat na salapi ay bibili ng pangalawang sasakyan kaya't lalong hihigpit at babagal ang daloy ng mga sasakyan sa mga lansangan.
Binanggit din ng dalawang panauhin ang pagtaas ng halaga ng bilihin dahilan sa mga pangungulekta ng mga kung sinu-sino sa mga lansangan, tulad ng malalaking highway na katatagpuan ng pulis, militar o mga bandido. Isang bagay din ang pagkakabimbin ng mga barko sa pagdaong sa Maynila.
Sa panig ni G. Dee, sinabi niyang higit siyang kinakabahan sa oras na magkaroon ng pulong sa Malacanang sapagkat malaki ang posibilidad na hindi ilalahad ng mga kasapi ng official family ni Pangulong Aquino ang tunay na nagaganap sa bansa.
Para kay Engr. Suansing, hindi malulutas ang problema sa trapiko sa Metro Manila at sa buong bansa kung hindi gagamitin ang Motor Vehicle Inspection System na siyang susuri kung angkop pa ba ang mga iparerehistrong sasakyang maglakbay sa mga lansangan. Hindi makatwiran na ipagbawal na lamang mga mga lumang sasakyan sapagkat ang mahalaga ay maintenance ng mga ito.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |