|
||||||||
|
||
Barkong sasakyan ng mga OFW mula sa Libya, naantala
LOGISTICAL REASONS ang dahilan ng pagkabalam ng pagdating ng arkiladong barkong maglilikas mula sa magulong bansa ng Libya.
Ipinaliwanag ni Asst. Secretary Charles Jose na ang kakulangan sa logistics ang dahilan ng pagkabalam ng pagdating ng barkong arkilado ng pamahalaan upang mailikas ang mga Filipinong sumailalim na ng repatriation.
Idinagdag pa ni Asst. Secretary Jose na magmumula ang barko sa Italya at magtutungo sa Malta bago tumuloy sa Libya. Ilang araw na rin silang nasa karagatan at magkakarga ng gasolina samantalang naglalakbay.
Tumanggi si Asst. Sec. Jose sa balitang hindi makadaong ang barko sa daungan ng Benghazi, ang unang daungang dadaanan ng barko upang sunduin ang mga manggagawa doon.
Ayon sa pahayagang Libya Herald, may balak ang mga armadong grupo na isara ang daungan sa Benghazi upang mapigil ang pagpasok ng mga sandata at bala patungo sa kamay ng extremists. Idinagdag pa ng balita na ang anumang pagtatangkang pumasok sa daungan ng alin mang sasakyang-dagat at papuputukan ng mga armado. Darating ang barko sa Benghazi sa Agosto 13 upang isakay ang may 490 mga Filipinong magsisilikas. Susunduin din nila ang may 490 mga Filipino na nagpatala sa repatriation program ng pamahalaan. Magtutungo din ang barko sa Misrata para sa pagsundo sa may 610 mga Filipino.
Ibinalita pa ni Asst. Secretary Jose na darating ang mga OFW sa Malta sa Biyernes, ika-15 ng Agosto at duon sila isasakay ng Philippine Air Lines pauwi sa Maynila.
May pagtutulungan na ang mga tauhan ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli at Red Crescent Society upang mailikas ang mga Filipino doon. May koordinasyon na rin ang Red Crescent sa mga kabilang sa mga guerilya upang matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |