Si John Bailey
Mga pengyou, aminin man natin o hindi, tayong mga Pinoy ay mahilig manood ng TV, makinig ng radyo, magbasa ng diyaryo, at manood ng mga video sa internet. Karamihan sa atin, nakagawian na rin ang pakikinig at panonood ng balita. Tuwing magbubukas tayo ng telebisyon at radyo; magbabasa ng peryodiko, at magsa-surf sa internet, madalas nating makita at marinig ang mga sikat na brodkaster mula sa ibat-ibang himpilan, sa kanilang pagbabalita. Sila ang mga instrumento ng Sambayang Pilipino upang malaman ang mga pangyayaring nakakaapekto sa buhay ng bawat tao. Sila rin ang huling sandigan ng katotohanan at tagapagtanggol ng demokrasya ng ating bayan. Kapag humarap na sila sa kamera, o habang nagsasahimpapawid, parang napakadali at suwabe ng kanilang pagbabalita. Pero, sa kabila ng lahat ng ito, napakarami po ng kailangang dapat gawin ng isang mamamahayag upang siya ay makapagsahimpapawid ng makatuwiran, balanse, kapani-paniwla, at may-katuturan na impormasyon. Kung minsan, naisasapanganib pa ang buhay ng ilan sa ating mga kasamahan sa hanap-buhay dahil sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Para po malaman natin at magkaroon tayo ng ideya kung paano nga ba ang buhay ng isang mamamahayag, sa ating episode ngayong gabi, ibabahagi po namin sa inyo ang kuwento ng isang mamamahayag dito sa Gitnang Kaharian. Sisilipin po natin kung paano mamuhay at magtrabaho ang isang South African journalist dito sa Tsina. Narito ang kanyang kuwento.