|
||||||||
|
||
Melo 20140902
|
SEGURIDAD NG EMBAHADA NG TSINA SA MAYNILA TINIYAK. Sinabi ni Asst. Secretary Charles Jose ng Department of Foreign Affairs na ibibigay nila sa Embahada ng Tsina ang lahat ng detalyes sa balitang may nagbabalak ng masama sa mga tauhang Tsino. Magkakaroon din ng dagdag na seguridad sa paligid ng embahada. (Melo M. Acuna)
ANG sinasabing pagtatangkang magpuslit ng mga pampasabog sa Ninoy Aquino International Airport ay hindi sapat upang mabahala ang Malacañang.
Sa isang press briefing, sinabi ni Communications Secretary Hermiio Coloma, Jr. na umaasa si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III na mapipigil ng pamahalaan ang anumang pagtatangkang yanigin ang katatagan at kapayapaan ng bansa.
Hindi car bombs ang nasamsam sa mga suspect bagkos ay mumunting paputok.
Dinala na ang mga pinaghihinalaan sa Kagawaran ng Katarungan upang ipagsumbong. Kinilala sila sa mga pangalang Pepito Guerrero, Emmanuel San Pedro at Sonny Diojanon. Dinakip sila sa parking lot matapos matagpuan sa kanilang sasakyan ang pampasabog.
Isinailalim na sa full alert ang NAIA matapos masabat ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang grupo ng mga taong nagtatangkang magdala ng paputok sa international airport. Ang tatlong suspects ay kakasuhan ng illegal possession of explosives. Mananawagan umano ang grupo sa pamahalaan na manindigan laban sa Tsina.
Sa kabilang dako, naniniwala naman si Armed Forces Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang na nagtatangka lamang ang grupong mapansin. May balita umano siyang mga kaibigan ni Ely Pamatong, ang kilala sa pangalang Boy Spike, na nagkalat ng mga alambre sa Epifanio delos Santos Avenue na ikinapinsala ng mga gulong ng maraming mga sasakyan.
Samantala, sinabi ni Asst. Secretary Charles Jose na iginagalang nila ang kinalabasan ng pagsisiyasat ng insidenteng naganap sa Ninoy Aquino International Airport kahapon ng madaling araw tulad ng sinabi ni Kalihim Leila de Lima ng Kagawaran ng Katarungan sa isang press conference kanina.
Tiniyak ng Kagawaran ng Ugnayang Panglabans sa Embahada ng Tsina na magkakaroon ng angkop at kailangang proteksyon upang matiyak na maiwasan ang anumang panganib at pagbabanta. Bibigyan ng Department of Foreign Affairs ang Embahada ng Tsina ng sapat at mahalagang impormasyon sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |