|
||||||||
|
||
Impeachment complaints laban kay Pangulong Aquino, ibinasura
NAGKAISA ang karamihan ng mga kasapi ng House Committee on Justice sa botong 54-4 na ibasura ang tatlong impeachment complaints laban kay Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sapagkat kulang ito ng nilalaman.
Ang mga nagtaguyod ng tatlong impeachment complaints lamang ang nanatiling kombinsido na sapat ang nilalaman ng reklamo. Sila ay sina Bayan Muna partylist Congressmen Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate at Gabriela Party List Congresswomen Luzviminda Ilagan at Emmi de Jesus.
Dalawa sa tatlong reklamo na laban kay Pangulong Aquino ang tungkol sa pagpapatupad ng Disbursement Acceleration Program o DAP na idineklarang "partially unconstitutional" ng Korte Suprema kamakailan. Ang pangatlong reklamo ay may kinalaman sa paglagda ng Pilipinas sa Enhanced Defence Cooperation Agreement sa Estados Unidos.
Na sa Korte Suprema pa rin ang usapin. Ani Congressman Colmenares, nalulungkot siya sa pagmamadali ng administrasyong kitlin ang usapin. Hamak na maganda pa raw noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macagapal-Arroyo sapagkat umaabot pa sa tatlo o apat na pagdinig. Takot umano si Pangulong Aquino sa katagang accountability. Idinagdag pa ng mambabatas, isang masakit na araw ito para sa mga Filipino.
Inihahanda na ni Committee on Justice Chairman Congressman Neil Tupas, Jr. ang report upang pagbotohan ng plenaryo kung sasang-ayunan o babaliktarin.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |