Lahat tayo ay may pangarap. Tayong mga Pinoy, mula sa ating pagkabata, tinuruan tayo ng ating mga magulang na mangarap: mangarap para sa isang magandang bukas, at mangarap para sa ating bansa, pamilya, at sarili. Mayroong mga taong kung mangarap ay simple, ang iba naman, medyo enggrande. Pero, kung anuman ang ating pangarap, wala namang masama. Eka nga nila, "libre ang mangarap." Sa Amerika, may tinatawag na "American Dream," dito naman sa Tsina, mayroon namang "Chinese Dream." Tayong mga Pinoy, naniniwala ako na mayroon ding tayong "Filipino Dream." Kahit di-natin tuwirang sinasabing "Filpino Dream," ang ating araw-araw na pagpupunyagi upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga pamilya at makatulong sa kapuwa at bansa ay isang pangarap na karaniwan sa lahat ng Pilipino. At ito, sa palagay ko ay matatawag na "Filipino Dream."
Para sa ating episode ngayong gabi, tungkol sa pangarap ng ilang LAOWAI o dayuhang naninirahan at namumuhay sa Tsina ang ating sisilipin.