|
||||||||
|
||
Pamahalaan, may programa para sa mga magbabalik na OFW
MAY mga nakalaang palatuntunan para sa mga manggagawang Filipino na nagnanais nang bumalik at mahirahan sa Pilipinas. Ito ang tiniyak ni Director Chona Mantilla ng National Reintegration Center for Overseas Filipino Workers, isang ahensya ng Department of Labor and Employment sa katatapos na Tapatan sa Aristocrat.
Binaggit ni Director Mantilla na nararapat makipag-alam sa kanila ang mga manggagawang nagnanais mapasailalim sa reintegration.
Isang kontrobersyal na isyu ang pagbabalik ng mga manggagawang Filipino mula sa ibang bansa sapagkat may pagkakataong walang naiipon samantalang nasa ibang bansa.
Binanggit ni Lito Soriano, pangulo ng E-recruitment Services na naging kasabihan na nila ang "Savings first before expenses." Ito rin ng ginawang mantra nina Zeny Concepcion, isang nurse na nagtrabaho sa Saudi Arabia sa nakalipas na 25 taon. Ani Gng. Concepcion, nakapagpatapos na siya ng isang anak na doctor at isang nurse sa pagiging masinop sa paggasta.
Sa panig ni Engr. Pervical Mamuyac, sa unang anim na buwan pa lamang niya sa Nigeria noong dekada otsenta, nakapagtayo na ng tindahan ang kanyang maybahay at pinagtulungan nila ang pagpapalaki sa kanilang mga supling. Tumagal din si Engr. Mamuyac sa Saudia Arabia ng may 18 taon.
Para kay Deputy Administrator Ameurfina Reyes ng Philippine Overseas Employment Administration, walang tatalo sa pagpasok sa overseas employment na may bukas na pagiisip at paghahanda para sa kanilang kabutihan. Kailangang maliwanag sa mag-asawa na hindi madali ang mangibang-bansa at mas makabubuti na sa mga lehitimong employment agencies makipag-alam. Tiniyak din ni Deputy Administrator Reyes na mayroong mga application na mapakikinabangan ang mga manggagawa sa kanilang destino.
Ani G. Jacinto Macatol, may-ari ng isang recruitment agency, sa sipag, galing at kakayahang makapag-adjust ng mga Filipino sa iba't ibang work environment, higit na napapamahal sa employers sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Para Ma. Ediza Pumarada ng Episcopal Commission on Migration and Itinerant People, pinagtutuunan nila ng pansin ang mga pamilyang naiiwan sa bansa upang huwag mawala ang magandang relasyon. Malaking tulong din ang kaunlaran sa teknolohiya sapagkat nakakapag-usap na ang mga mag-asawa sa pamamagitan ng Facebook, Viber at iba pang mga application.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |